Inimbentong salita ang balarila katumbas ng gramatica sa Espanyol at grammar sa Ingles, o ang pag-aaral ng estruktura ng wika. Tinatalakay nito ang mga tuntunin ng isang wika ukol sa mga uri, pagbuo at wastong paggamit ng mga salita, at pagsulat.


Si Mamerto Paglinawan ang iniulat na unang gumamit ng salitang balarila sa kaniyang aklat ng gramatika sa wikang Tagalog. Gayunman, naging popular ito dahil ginamit sa aklat ni Lope K. Santos at siyang unang naging teksbuk sa pagtuturo ng Wikang Pambansa.


Nalikha ang salitang ito ng dáting Samahan ng mga Mananagalog noong mga taóng 1905-1906. Mula ito sa mga salitâng badyá, na nangangahulugang pagpapahayag, pagsasasaad o paggagad, o babalâ, na nagpapahayag ng isang kautusan, at dilà, na nagpapahiwatig ng wika.


Isinasaad ng pinagsámang badya+dila o babala+dila ang paggamit ng dila sa pagsasalita upang maipahayag ang nais sabihin. Nabuo ang salitâng balarilà dahil sa panuntunang nagiging titik R ang titik D kapag napagigitnaan ng dalawang patinig.


Malaki ang posibilidad na ang pagsusuri sa gramatika ng wikang Filipino ni L.K. Santos ay ibinatay sa mga unang pag-aaral ng mga misyonero.


Sa ating kasaysayan, ang mga misyonero ang unang nag-aral sa estruktura ng mga wika sa Filipinas at ilan sa mga pag-aaral na ito ay nalathala.


Halimbawa, ang Artes y reglas de la lengua tagala (1610) ni Fray Francisco de San Jose. May iba pang misyonero na naglathala din ng artes y reglas sa ibang mga katutubong wika ng Filipinas na nasakop ng mga Espanyol.


May puna na dahil sa pangyayaring ito ay lubhang sumusunod sa mga tuntunin ng klasikong gramatikang Europeo ang balarila ni L.K. Santos. May dagdag ding mga tuntunin mula sa makabagong lingguwistika ang mga bagong aklat sanggunian sa gramatika.


Bukod sa pagpapalaganap ng imbentong salita na balarila ay nagtagumpay din ang aklat ni L.K. Santos sa pagpapalaganap ng isang buong sistema ng katawagan sa gramatika, gaya ng pangngálan para sa noun, pandiwà para sa verb, pang-urì para sa adjective, pang-ábay para sa adverb, panghalíp para sa pronoun, pantúkoy para sa article, at marami pa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: