Ano ang letras y figuras?
Kinakatawan ng letras ang mga titik ng kabuuang pangalan ng isang tao (ang nagpagawa o ang paghahandugan ng dibuho).
Kinakatawan naman ng figuras ang mga ipinahihiyas na anyo ng tao, halaman, hayop, at bagay na ipinanghuhubog sa mga titik. Karaniwang nakapinta ito sa papel de manila at nagtatampok ng karaniwang tagpo ng buhay-Filipino noong siglo 19.
May bakas ito ng estilong tipos del pais na naglalarawan sa iba’t ibang uri ng tao sa isang pamayanan.
Isa sa pangunahing manlilikha ng letras y figuras si Jose Honorato Lozano.
Halos lahat ng nabubúhay pang piraso ng pinturang ito sa panahon ng rurok nitó (1840-1880) ay likha ni Lozano. Dahil dito, may haka na siyá ang umimbento ng paraang ito.
Ang pinakaunang nakaulat na letras y figuras ay pangalang Charles D. Mugford (1845), pangalan ng kapitang Amerikano ng isang barkong pangalakal.
Mga pangalang dayuhan ang unang paksa sa letras y figuras. Isang likha ni Lozano na tumawag ng pansin ay ang pangalang Balvino Mauricio (1864).
Bukod sa makabuluhang mga tanawin sa Maynila noon ay itinanghal din ang mga bahagi ng bahay-na-bato sa Binondo ni Balvino Mauricio na may hawig sa paglalarawan ng bahay ni Kapitan Tiago sa Noli. Mayamang negosyante si Mauricio at isa sa ipinatapon sa Marianas sa hinalang kasapi ng Himagsikang 1896.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Ano ang letras y figuras? "