Para sa mga katutubong Bagobo ng Mindanao, isang mundo sa ilalim ng lupa ang Gimokudan. Itinuturing itong tirahan ng kaluluwa ng mga yumao.


Matatagpuan daw rito ang isang mahiwagang puno ng dayap na ang bawat pagyugyog ay katumbas ng isang taong mamamatay sa lupa at patutungo sa Gimokudan. Dito umano nananahan si Mebuyan, ang diwatang nagtataglay ng napakaraming suso sa buo niyang katawan.


Pinasususo niya ang kaluluwa ng mga sanggol at batang namatay bago pa man maawat sa gatas hanggang sa marating nila ang edad na maaari na silang kumain ng kanin. Sa gayon ay maililipat na sila sa bahagi ng Gimokudan kung saan nila makakapiling ang kaluluwa ng kanilang mga yumaong kaanak.


May mga talang nagsasabing nahahati sa dalawang rehiyon ang Gimokudan: ang puti at ang pula. Sa puting rehiyon daw karaniwang napupunta ang espiritu ng halos lahat ng mamamayan. Samantala, ang kaluluwa ng mga mandirigmang namatay dahil sa giyera ay napupunta naman sa rehiyong pula. Ayon sa mga kuwento, ang mga kaluluwa raw rito ay nagpapahinga sa umaga at naglilibot naman tuwing gabi.


Pinatutunayan ng Gimokudan na may konsepto na ng ilalim ng lupa ang mga katutubong Filipino bago pa man masakop ng mga Espanyol ang Pilipinas.


Malaki ang kaibahan nito sa Kristiyanong pananaw na nagsasabing ang ilalim ng lupa o impiyerno ay lunan ng walang hanggang kaparusahan para sa mga kaluluwang makasalanan. Kaya naman kaiba sa kanluraning nosyon ng ilalim ng lupa na iniiwasan at kinatatakutan, ang Gimokudan ay tinitingnan bĂ­lang isa na namang yugto ng panibagong pag-iral pagkatapos ng kamatayan. Sa dimensiyong ito, nagpapatuloy ang buhay ng kaluluwa nang hindi na nakatali sa katawang idinisenyo para sa ibabaw ng lupa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: