Ang kolorum ay popular na tawag sa isang walang legal na permiso o hindi nakarehistrong negosyo.


Sa malaking titik, tawag ito sa kultong Rizalista na nag-alsa sa Surigao noong 1924 at halaw ang pangalan sa dasal sa Latin na “in saecula saecolorum” na nangangahulugang “magpasawalang hanggan.”


Noong simula ng siglo 20, nagkaroon ng tensiyon ang mga pangkating Katoliko, Aglipayano, at Kolorum sa Surigao at Agusan.


Noong 1910 hanggang 1920, nabago ang kalagayang panrelihiyon ng isla ng Siargao at Bucas Grande nang magpadala ng sugo si Laureano Solamo, ang supremo ng Kolorum sa Kabisayaan, sa paniwalang mainam na panahon iyon upang hikayatin ang mga dáting Katoliko na sumapi sa Kolorum.


Dumating din ang halens o imigranteng Kolorum na mula sa Bohol, Leyte, Samar, at Cebu sa mga naturang lugar. Si Felix Bernales o mas kilala bilang Lantayug ang namuno sa Kolorum ng Mindanao.


Naniniwala ang Kolorum sa egalitaryanismo, o pagkakapantay-pantay kaya hindi sila maaaring magkaroon ng sariling ari-arian, at asetismo kaya iwinaksi nila ang mga luho gaya ng pag-inom ng alak, pagsusugal, gawaing seksuwal, at iba pa.


Ang kanilang kredo ay may impluwensiya ng Cofradia de San Jose ni Apolinario de la Cruz noong 1840 at sinimulang sambahin si Jose Rizal noong 1896.


Ayon sa lider na si Lantayug, magkakaroon ng apokalipsis, magiging tagapaghukom si Rizal, at maililigtas ang bayan ng Socorro. Dahil dito, nagkaroon ng sapilitang pagpapalit ng relihiyon ang mga mamamayan sa hilagang silangang Mindanao.


Nagsuspetsa at nagmasid ang mga awtoridad sa biglaang pagdami ng kasapi ng naturang kulto. Nagsimula namang humawak ng armas ang Kolorum. Idineklara ni Lantayug ang taong 1924 bilang taon ng Banal na Paghihiganti at noong Enero 1924, nagsagawa silá ng mga pag-aalsa laban sa grupo ni Captain Valentin Juan, isang konstabularyong nangangasiwa sa lugar.


Nang mapatay sa engkuwentro si Juan, hinawakan ni Col. C. H. Bowers ang rebelyon at napatigil ito noong Pebrero 1924.


Samantala, ang kolorum na sasakyan ay ipinagbabawal ng Republic Act No 4136 o Land Transportation and Traffic Code.


Ito ang batas na nagtatakda ng kontrol sa pagpaparehistro at operasyon ng mga sasakyan at pagbibigay ng lisensiya sa may-ari, negosyante, konduktor, at drayber. Ito ang nagbibigay ng kapangyarihan sa Land Transportation Office (LTO) ng pagrerehistro ng mga sasakyan, pagbibigay ng lisensiya, at pagkumpiska, pagsuspinde, at pagkansela ang mga ito.


Ang multa sa mga kolorum ay mula 500 hanggang 5,000 piso, tatlong buwang kumpiskasyon ng plaka at lisensiya hanggang kanselasyon ng prangkisa at lisensiya.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: