Ang Ilog Aklan (o Ilog Akean) ang isa sa mga pangunahing daluyan ng tubig sa pulo ng Panay sa Kanlurang Kabisayaan.


Matatagpuan ito sa lalawigan ng Aklan, at dito nakapangalan ang lalawigan. May haba itong 60 km at ang pangunahin sa limang ilog ng Aklan; ang apat pang iba ay ang Ilog Ibajay, Ilog Tangalan, Ilog Jalo, at Ilog Talon.


Nagsisimula ang ilog sa kabundukan ng gitnang Panay, sa timog Aklan. Malakas ang agos ng sa hulo nito sa bulubunduking bayan ng Libacao, at tanyag ang bahaging ito ng ilog para sa wild river kayaking at rafting.


Aagos ang ilog sa mabababang lupain ng lalawigan bago bumuhos sa Dagat Sibuyan malapit sa kabisera ng Kalibo. Dito rin sa bayan manganganak ang Ilog Aklan ng isang mas maliit na sangay, ang Ilog Sooc, na bumubuhos naman sa dagat sa Bakhawan Eco-park ng Kalibo.


Noong unang panahon, naliligo ang mga mananayaw at nakikisayá sa pistang Ati-atihan sa ilog pagkatapos ng kanilang panata at pagdiriwang. Dito nilá nililinis ang uling at abong ipinahid sa kanilang katawan. Matatagpuan din malapit sa pampang ng ilog, sa Barangay Bulwang, bayan ng Numancia, ang tinaguriang ”Ati Village,” isa sa mga nalalabing pook-tirahan ng mga Aeta sa Panay.


Ang ilog ang pinagmumulan ng malinis na tubig at kabuhayan (pangingisda, pagsasaka) ng mga mamamayan ng Kalibo at maraming bayan ng Aklan. Mayroong panganib ng pag-apaw ng ilog tuwing panahon ng tag-ulan, at ganito nga ang nangyari noong 2008 nang sinalanta ng bagyong Frank ang lalawigan at nagdulot ng malawakang pagbaha, pagtabon ng putik, at matinding pinsala sa buhay at kagamitan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: