Mga Pagkaing Pampatalino (Brain Foods)
On Kalusugan
Mga Pagkaing Pampatalino (Brain Foods)
Payo Ni Doc Willie Ong
May mga pagkain na posibleng makatulong sa pagiging healthy ng ating utak. Kapag sapat sa bitamina at nutrisyon ang iyong pagkain, mas magiging matalas ang iyong pag-iisip at memorya kumpara sa mga taong hindi kumakain nito.
Alamin natin itong mga tinaguriang “brain foods”:
- Mani – Ang mani ay may taglay na vitamin E at good fats. Ayon sa pagsusuri, kapag mataas ang lebel ng vitamin E sa iyong katawan, mas matalas din ang iyong pag-iisip. May tulong din ang mani para sa memorya. Puwedeng kumain ng nilagang mani, kasoy at walnuts. Huwag lang piliin ang pritong mani na may maraming asin. Limitahan din ang pagkain ng mani sa isang dakot lamang (30 grams) dahil mataas din ito sa calories.
- Matatabang isda (oily fish) – Ang mga oily fish ay ang tuna, tilapia, salmon, sardinas, tamban at taba ng bangus. May taglay itong omega-3 fatty acids na nagpapaganda ng daloy ng dugo. Dahil dito, mababawasan ang tsansang magkaroon ng sakit sa stroke at atake sa puso. Subukang kumain ng 4 ounces ng isda tatlong beses kada linggo.
- Itlog – Ang itlog ay mataas sa choline, isang kemikal na kailangan ng mga bata para mag-develop ang kanilang utak at memorya. Mataas din sa vitamin A, iron at folate ang itlog. Puwedeng pakainin ang bata ng 1 itlog bawat araw. Ngunit kung ikaw ay may sakit sa puso o mataas ang kolesterol, limitahan ang pagkain ng itlog sa 3 itlog bawat linggo.
- Kape – Makatutulong ang kape para maiwasan ang Alzheimer’s disease at panghihina ng ating isipan. May sangkap na antioxidants at caffeine ang kape. May tulong din ang kape sa pag-memorya ng iyong inaaral pero panandalian lang ang epekto nito. Puwedeng uminom ng 1 o 2 tasang kape sa maghapon. Huwag din sosobrahan at baka bumilis ang pagtibok ng iyong puso. At sana ay huwag nang lagyan ng whip cream at full cream milk ang kape para hindi nakatataba.
- Abokado – Ang abokado ay mayaman sa vitamin B at healthy fats (monounsaturated fats) na nagpapaganda ng daloy ng dugo sa utak. May mga pagsusuri sa hayop na nagpapakita na ang abokado ay nakababawas sa stroke at nakakababa ng blood pressure.
Pinagmulan: @docwillieong
No Comment to " Mga Pagkaing Pampatalino (Brain Foods) "