mag-gulay para humaba ang buhay

Mag-Gulay Para Humaba Ang Buhay

Payo ni Doc Liza Ramoso-Ong


Sinulat ang artikulo para itama ang mga maling paniniwala. Mayroong nagsasabi na dapat daw umiwas sa ilang klaseng gulay kung may high blood. Wala po itong katotohanan.


Mga Maling Paniniwala:

1. Maberdeng gulay at high blood pressure – Ang high blood pressure ay puwedeng makuha sa sobrang alat ng pagkain at pagtaas ng kolesterol. Ang gulay ay nagpapababa ng kolesterol kaya makatutulong ito sa may high blood. Hindi po pareho ang kulang sa dugo (anemia) at presyon ng dugo (blood pressure). Ang gulay ay makatutulong din sa anemia dahil sa sangkap nitong iron.

2. Gulay tulad ng repolyo, kamoteng kahoy at broccoli – Hindi po bawal ang pagkain ng gulay sa goiter. Ang goiter ay puwedeng magmula dahil sa kakulangan sa iodine. Nakukuha ang iodine sa seafoods at iodized salt. Pero siyempre dapat balanse ang diyeta at sari-saring gulay ang kainin natin. Linisin at lutuin ang gulay bago kainin.


Heto Ang Benepisyo Ng Gulay:

1. Para kumpleto sa bitamina – Ilan sa mga masustansyang gulay ay ang broccoli, cauliflower, kangkong, pechay, ampalaya, malunggay, spinach, talong, okra at talbos ng kamote. Sagana ito sa vitamins, minerals at iba pang healthy na sangkap.

2. Panlaban sa sakit - Ang gulay ay maganda ring panlaban sa sakit tulad ng sakit sa puso, high blood pressure, diabetes, at sakit sa tiyan.

3. Makaiiwas sa kanser – Ayon sa pagsusuri, ang pagkain ng sapat na gulay at prutas araw-araw ay makababawas sa pagkakaroon ng kanser ng 3 to 10%. Makatutulong ang gulay sa pag-iwas sa colon cancer, breast cancer at marami pang kanser.

4. Para maging regular ang pagdumi – Malaki ang tulong ng gulay sa ating tiyan at bituka. Mataas ito sa fiber na parang nagsisilbing walis na lumilinis sa ating bituka. Bawasan ang pagkain ng karne at taba na kulang sa fiber.

5. Panlaban sa stress – Ang gulay ay mataas sa vitamin B, na makatutulong sa ating ugat (nerves) at makababawas sa stress.

6. Para manatiling bata at malusog ang katawan – Ang pagkain ng 2 tasang gulay at 2 tasang prutas bawat araw ang rekomendasyon ng mga eksperto.

Sa mga ayaw pa rin kumain ng gulay, ano naman po ang balak nating kainin? Karneng baboy o baka ba?


Pinagmulan: @docwillieong


Mungkahing Basahin: