huwag umupo ng matagal
 

Huwag Umupo Ng Matagal

Payo Ni Doc Willie Ong


Ayon sa World Health Organization, masama sa kalusugan ang matagal na nakaupo. Kapag ika’y madalas nakaupo ng 2 oras o mas matagal pa ay posibleng may komplikasyon ito.


Ayon sa pagsusuri, puwede itong magdulot ng diabetes, pagkataba, pamamanhid ng paa at pagbuo ng dugo sa binti. Kapag lagi kang nakaupo, mas tataba ka dahil sa kakulangan sa ehersisyo. Puwede din ito magdulot ng diabetes.


Ang pinaka-seryosong komplikasyon ng pag-upo ng matagal ay ang pagbuo ng dugo sa binti. Kapag nangyari ito, puwedeng lumipat ang namuong dugo patungo sa baga at mahihirapan huminga ang pasyente. Pulmonary embolism ang tawag ng doktor dito at nakamamatay ito.


Fat Wallet Syndrome:

Ang isa pang peligro ng pag-upo ng matagal ay ang pagkaipit ng ugat (nerve) sa may puwit natin. Puwedeng mamanhid ang paa kapag matagal nadaganan ang ugat nito. Mayroon ding tinatawag na “fat wallet syndrome” kung saan kapag nauupuan ang matabang wallet ay puwedeng mamanhid ang paa. Madalas itong mangyari sa mga lalake, lalo na sa mga drivers at executives na laging nakaupo.


Ano ang solusyon?

1. Bawat 30 minutos na nakaupo, tumayo ng 2 minuto para mag-stretch. Kung 1 oras kang nakaupo, maglakad-lakad ng 5 minuto.

2. Gumalaw-galaw kahit nakaupo. I-stretch ang braso habang nakaupo. Galawin ang mga paa. Ipadyak-padyak ito. Makatutulong ito sa sirkulasyon at pagdaloy ng dugo.

3. Huwag gawin ang lahat ng ehersisyo sa gabi, pero buong araw ka namang nakaupo. Hatiin ang iyong pag-ehersisyo. Mag-ehersisyo kaunti sa umaga at sa gabi.

4. Ilagay ang wallet sa harap ng pantalon. Huwag kapalan ang wallet at bawasan ang laman nito.

5. Kung madalas kayong gumagamit ng computer, mag-break at maglakad bawat 30 minutos para makapahinga din ang iyong mata. Kapag matagal nakatitig sa computer screen, puwedeng sumakit ang iyong mata at ulo. Ipikit ang mata ng 3 minuto para makapahinga.


Tandaan: Gumalaw-galaw at mag-ehersisyo para humaba ang iyong buhay.


Pinagmulan: @docwillieong


Mungkahing Basahin: