mariano gomes

Mariano Gomes


Ngayong araw (Agosto 2, 2022) ay ang ika-223 taong kaarawan ng pinakamatandang paring Pilipinong bahagi ng triumvirate ng mga paring sekular na Pilipino na Gomburza na si Mariano Gomes de los Angeles o simpleng Mariano Gomes. Taong 1799 nang isinilang si Mariano Gomes sa Sta. Cruz, Maynila at mula sa pamilya ng mga mestizong Tsino at Espanyol. Anak siya nina Alejandro Francisco Gomes at Martina Custodia. Tiyuhin niya ang bantog na labor leader na si Dominador Gomes. 


Matapos mag-aral sa San Juan de Letran, kumuha siya ng kursong theology sa University of Santo Tomas, para maging isang pari. Nang maordenahan ay itinalaga siya sa parokya sa Bacoor, Cavite noong Hunyo 1834. Bukod sa serbisyong ispiritwal, nagbigay rin siya ng serbisyong panlipunan sa mga parokyano niya sa Bacoor, gaya ng pagtuturo ng tamang pagtatanim ng mga halamang bunga. Nakita rin ni Padre Gomes ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pantay-pantay na karapatan sa pagitan ng mga prayle at mga sekular na pari, kaya nakiisa siya sa pagtataguyod ng sekularisasyon at sa pagtatanggol sa mga Filipinong pari laban sa mga mapang-aping prayle. Naging aktibo rin siyang editor ng peryodikong "La Verdad", na naglalaman ng kanyang mga sintimyento para sa karapatan ng mga paring sekular. 


Nakilala niya sina Padre Pedro Pelaez at Jose Burgos, na noo'y mga paring  naglilingkod sa Manila Cathedral, at naging kaalyado niya sa sekularisasyon. Nang mamatay si Padre Pelaez noong 1863 ay sina Padre Gomes, Burgos at Jacinto Zamora ng Pandacan, Maynila ang mga naging tagapagtaguyod ng sekularisasyon. Nadawit sina Padre Gomes, Burgos at Zamora sa nabigong pag-aalsa sa arsenal sa Cavite noong ika-20 ng Enero, 1872 at kahit walang ebidensyang ipinakita ang hukuman, hinatulang mamatay sa pamamagitan ng garrote vil ang tatlong Pilipinong pari, pati ang sundalong si Francisco Zaldua, na nagbigay ng huwad na testimonya laban sa tatlong pari. Sa edad na 72, si Padre Mariano Gomes ang ikalawa sa apat na pinaakyat sa garrote noong ika-17 ng Pebrero, 1872 sa Bagumbayan (Luneta ngayon). Kalmadong hinarap ni Padre Gomes ang kamatayan, na sinabing ang tulad niya'y mga dahong hindi mahuhulog sa sahig nang walang kumpas ng Diyos. 


Pinagmulan: @socsciclopedia


Sanggunian:

• Gwekoh, Solomon Hilario (1974). Burgos-Gomes-Zamora : a first centennial biography Secular martyrs of Filipinism. Manila: National Book Store. 

• Zaide, Gregorio F. (1984). Philippine History and Government. National Bookstore Printing Press.

• Ignacio, Josefina O. (1979). Biographies of Filipino Heroes. Merriam-Webster, Inc.


Mungkahing Basahin: