Ang labanan sa look ng Maynila
Ang labanan sa look ng Maynila
Nakita sa taong 1898 ang unti-unting pagbagsak ng Imperyong Espanyol dahil sa mga rebolusyon sa Cuba at Pilipinas, at sa pag-usbong ng panibagong superpower, ang Estados Unidos. Unang nakita ng mga Pilipino ang bagsik ng lakas-pandigma ng Amerika sa unang araw ng Mayo noong 1898. Siyam na bakal na barkong pandigma ng US Asiatic Squadron sa pamumuno ni Commodore George Dewey ang naglayag patungo sa karagatan ng ating bansa para harapin ang mga mas mahihina at mas maliit na plotang Espanyol na nakadaong sa look ng Maynila.
Noong ika-30 ng Abril ay naalerto na ang plota ng hukbong pandagat na Espanyol sa Maynila sa pamumuno ni Admiral Patricio Montojo sa pagdating ng plotang Amerikano sa baybayin ng Subic, kaya kahit alam niyang walang panama ang mga outclassed na mga barko niya ay nagbantay sila sa look ng Maynila, sa rehiyong sakop ng lalawigan ng Cavite, para abangan ang pagsalakay ng mga Amerikano. Pasado 5:40 ng umaga nang nagsimulang magpaputok ang mga barkong Amerikano sa plota ng mga Espanyol, na sinimulan ng flagship ng plotang Amerikano na USS Olympia. Matapos mawasak ng mga Amerikano ang marami sa mga barkong Espanyol, sandaling nagpahinga ang mga Amerikano para paghandaan ang susunod nilang opensiba habang umatras ang mga ibang barkong Espanyol sa kanilang naval arsenal sa Cavite. Nagpatuloy ang opensiba ng mga Amerikano pagsapit ng alas-11:30 ng umaga, kung saan binomba nila ang mga shore batteries sa Cavite, at nasira nila ang mga barkong Reina Cristina at Castilla, na flagship ni Admiral Montojo.
Pasado 12:45 ng tanghali, matagumpay na nawasak ng plotang Amerikano ang huling plotang Espanyol sa baybayin ng Maynila. Nagpadala rin ng telegrama ang barkong USS Petrel sa flagship ni Admiral Dewey na sumuko na ang mga Espanyol sa labanan. Nawasak ang halos lahat ng mga barkong Espanyol sa labanan, at mahigit 400 marinong Espanyol ang napatay, samantalang halos hindi nagalusan ang kahit isa sa mga barkong Amerikano kahit sampung marinong Amerikano ang napatay sa labanan noong araw na iyon. Ang tagumpay ni Admiral Dewey ang naging simula ng pagbagsak ng kapangyarihan ng Espanya sa ating bansa, at nagbigay-daan naman ito sa simula ng pagpasok ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Pinagmulan: @socsciclopedia
Sanggunian:
• History.com Editors (2018, August 21). Battle of Manila Bay. HISTORY. https://www.history.com/.../early.../battle-of-manila-bay
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ang labanan sa look ng Maynila "