Ano ang kanser sa prostate?

Habang tumatanda ang isang lalaki, mahalagang mapanatili niya ang kalusugan ng kanyang prostate gland.


Basahin ang karagdagang impormasyon tungkol sa Prostate Cancer:


Ano ang kanser sa prostate?


Ang kanser sa prostate ay kanser na nabubuo sa prostate – ang glandulang sinlaki ng walnut sa
reproductive system ng isang lalaki. Ito ay matatagpuan sa ibaba ng pantog (bladder) sa harap ng
tumbong (rectum) at pinapaligiran ang itaas na bahagi ng yuritra (urethra), ang tubong nag-aalis ng
ihi mula sa pantog.


Ang kanser sa prostate ay pang-apat sa nangungunang lokasyon ng kanser sa katawan at pang-apat
rin sa nangungunang sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipinong kalalakihan dahil sa kanser.


Ano ang nagdudulot ng kanser sa prostate?


Ang eksaktong sanhi ng kanser sa prostate ay di pa nalalaman. Kaya sa panahong ito, di pa
posibleng maiwasan ang halos lahat ng kaso ng nasabing sakit. Maraming mga kadahilanan sa
peligro (risk factors) gaya ng edad, lahi at kasaysayan ng pamilya (family history) ay ‘di natin
kontrolado.


Ano ang mga sintomas o palatandaan ng kanser sa prostate?


Ang maagang stage ng kanser sa prostate ay kadalasang di nagdudulot ng anumang sintomas. Ang
kanser sa prostate ay madalas na natutukoy nang maaga sa pamamagitan ng pagsusuri sa dami ng
prostate-specific antigen (PSA) sa dugo ng isang lalaki. Ang isa pang paraan upang matukoy ang
kanser sa prostate ay ang digital rectal exam (DRE) kung saan pinapasok ng doktor ang daliri niyang
may guwantes sa tumbong (rectum) para kapain ang glandula ng prostate kung ito ay may di
pangkaraniwang laki at tigas.


Kung minsan, ang mas malalalang mga kanser sa prostate ay maaaring magdulot ng mga sintomas
gaya ng:

  • mga problema sa pag-ihi kasama ang mabagal at kaunting pagdaloy ng ihi o ang pangangailangang umihi nang mas madalas, lalo na sa gabi
  • dugo sa ihi o semilya
  • suliranin sa pagtayo ng ari (erectile dysfunction o ED)
  • pananakit ng balakang, likod (gulugod), dibdib (mga tadyang) o ibang mga bahagi dahil sa kanser na kumalat sa mga buto
  • panghihina o pamamanhid sa mga binti o paa, o kahit kawalan ng kontrol sa pag-ihi o pagdumi mula sa kanser na dumidiin sa spinal cord


Maiiwasan ba ang kanser sa prostate?

Walang tiyak na paraan upang maiwasan ang kanser sa prostate. Maraming mga kadahilanan sa peligro (risk factors) gaya ng edad, lahi at kasaysayan ng pamilya (family history) ay di natin kontrolado ngunit may mga bagay na maaari mong gawin para mapababa ang panganib ng pagkakaroon ng kanser sa prostate.


Ang pinakamabuting payo upang mapababa ang panganib ng pagkakaroon ng kanser sa prostate ay panatilihin ang wastong timbang, maging pisikal na aktibo at sumunod sa malusog na pamamaraan ng pagkain.


Kung ako ay may kanser sa prostate, sino and dapat kong puntahan para sa paggamot ?


Kung ang pagkakaroon ng kanser sa prostate ay pinaghihinalaan batay sa mga resulta ng screening na mga pagsusuri o mga sintomas, ang mga pagsusuri ay kinakailangan upang makasiguro. Kung ikaw ay kumukonsulta sa iyong manggagamot ng pangunahing pangagalaga (primary care doctor), maaari kang isangguni sa isang urolohista (urologist), isang doktor na gumagamot ng mga kanser sa genital at urinary tract, kasama na rin ang prostate.


Anong mga paggamot ang ginagawa para sa kanser sa prostate?


Ang iyong mga pagpipilian sa paggamot ng kanser sa prostate ay nakabatay sa ilang mga factors gaya ng gaano kabilis ang paglala ng kanser, kung ito ay kumalat na at ang iyong pangkalahatang kalusugan pati na rin ang potensyal na mga benepisyo o side effects ng paggamot.


Ano ang mga potensyal na side effects ng paggamot sa kanser sa prostate?


May posibleng mga panganib at potensyal na side effects ang kahit anumang uri ng paggamot sa kanser sa prostate. Ang ilan sa mga ito ay pwedeng pansamantala habang ang iba ay pangmatagalan. Kasama sa mga ito ang kawalan ng pagpigil sa pag-ihi (incontinence), mga isyu sa pag-ihi, sekswal na dysfunction, hot flashes, pagkawala ng buhok, pagduduwal at pagkapagod. Ang ibang mga side effects gaya ng lymphedema ay posible rin depende sa uri ng paggamot.