Ang Gamugamo at ang Liwanag
Ang mga una kong alaalang tungkol sa literatura’y nagpapabalik sa akin sa kamusmusan. Napakaliit ko pa siguro noon dahil kapag pinakikintab nila ang mga kahoy na sahig sa pamamagitan ng dahon ng saging, nadudulas pa akong parang nagpapadausdos sa yelo. Hirap pa akong umakyat sa upuan, isa-isang baitang pa ako kung pumanaog sa hagdan, nakakapit sa bawat balustre. Wala pang lamparang petrolyo noon sa bahay namin at saanman sa nayon, at di pa kailanman nadaraanan ng karuwahe ang mga kalye ng bayan kong para sa aki’y rurok ng kaligayahan at buhay.
Isang gabi nang tulog na ang lahat, nang nahipan na lahat ng ilaw sa mga globo sa pamamagitan ng manipis na tubong pabilog na para sa aki’y pinakatangi at kamangha-manghang laruan sa mundo, hindi ko alam kung bakit naiwan kami ng nanay kong pinanonood ang kaisa-isang ilaw na nakasindi buong gabi sa mga bahay sa Pilipinas at na namamatay lang nang eksaktong pagsikat ng araw at ginigising ang mga tao sa kaniyang masayang pagsutsot. Bata pa ang nanay ko noon. Pagkaligo, nakalugay ang buhok niyang umaabot hanggang sahig, kaya itinatali niya ang dulo nito. Tinuturuan niya akong magbasa sa El Amigo de los Niños, na pambihirang aklat, lumang edisyon, at wala nang pabalat kaya dinikitan ng masipag kong kapatid ng makapal na azul na papel at ibinalot ng tela.
Marahil nainis sa hamak kong pagbabasa, hindi pa kasi ako marunong mag-Español at di mabigyang-kahulugan ang mga pangungusap, inagaw ng nanay ko ang libro sa akin. Pagkatapos akong pagalitan para sa mga iginuhit ko roong taong-patpat, nagsimula siyang magbasa at ipinauulit sa akin. Noong nakakikita pa siya, magaling magbasa ang nanay ko, bumibigkas ng mga sauladong pangungusap, at marunong gumawa ng berso. Ilang ulit mula noon sa mga pamaskong bakasyon, inaayos niya ang mga tula ko at nagbibigay ng mahuhusay na puna. Pinakinggan ko siyang may paghanga ng isang bata. Namangha ako sa kung gaano kadali para sa kaniyang lumikha ng musika mula sa mga pangungusap ng mga pahinang iyon na napakahirap basahin para sa akin at pahintu-hinto kong iniintindi.
Marahil napagod ang mga tainga kong makinig sa mga tunog na walang-kabuluhan sa akin. Marahil madali lang talaga akong malingat, hindi ko nabigyan ng atensyon ang pagbabasa. Sa halip, pinagmasdan ko ang masayang ningas na nilapitan ng mga gamugamong paikut-ikot, naglalaro, alanganin ang lipad. Baka humikab ako, o kung anuman, ang kaso ay natanto ng nanay ang kawalan ko ng interes, kaya huminto siyang magbasa at sinabi sa akin: “May babasahin ako sa ’yong magandang kuwento: makinig ka.” Pagkarinig sa salitang kuwento, nanlaki ang mga mata ko sa pananabik sa isang bago at kamangha-manghang salaysay. Pinagmamasdan ang nanay kong tila hinahanap ito sa mga pahina, humanda akong makinig nang di mapakali. Hindi ko inakalang sa librong iyong hindi ko maintindihan ay may nakatagong mga kuwento, at magagandang kuwento. Nagsimula ang nanay kong basahin ang pabula ng Matatanda at mga Batang Gamugamo nang isinasalin sa Tagalog para sa akin ang bawat piraso. Nakapasok ako agad sa kuwento sa mga unang berso pa lamang kaya napatingin muli ako sa ningas at sa mga gamugamong palipad-lipad sa paligid nito. Wala na sigurong mas angkop pang panahon para sa kuwentong iyon. Pinakinggan ko ang nanay at tila lalong gumanda ang ningas para sa akin, lalong lumiwanag, at di ko maiwasang kainggitan ang tadhana ng mga insektong iyong masayang naglalaro sa kaniyang mahiwagang hininga. Nalunod sa langis ang mga di-nakapagpigil, ngunit hindi sila nagdulot ng pangamba sa akin. Nagpatuloy sa pagbabasa si Inay, nakinig akong nababalisa, gustung-gusto kong malaman ang mangyayari sa dalawang insekto. Pumitik ang ginintuang dila ng apoy sa isang panig, isang sunog na gamugamo ang nahulog sa langis, minsan pang ikinampay ang mga pakpak, saka namatay. Tila palayo nang palayo sa akin ang ningas at mga gamugamo, at ang boses ni ina’y nagkaroon ng timbreng kakaiba at mala-sepulkro. Natapos ni Inay ang pabula. Pero hindi na ako nakikinig, ang buo kong kamalayan, ang buo kong isip ay naroon na sa tadhana ng gamugamong iyon, kay bata, kay agang namatay, puno ng panaginip.
“Kita mo na?” sabi ng nanay kong inaakay na ako sa kama. “Huwag mong gagayahin ang batang gamugamo at huwag kang pasaway, kundi masusunog ka rin!” Hindi ko alam kung sumagot ako, nangako ng kung ano, o umiyak. Ang naaalala ko lang: matagal bago ako nakatulog. May ibinunyag sa akin ang kuwento na noon ko lang nalaman. Para sa akin, hindi na basta insekto ang gamugamo, nangungusap sila at marunong magbabala at magpayo. Lalong naging kabigha-bighani, kagila-gilalas, at kaakit-akit ang ningas. Naunawaan ko kung bakit nilalapitan sila ng gamugamo. Umalingawngaw nang walang-saysay ang mga babala at payo sa aking tainga. Nasaklot ang aking kalooban ng kamatayan ng nagwalang-bahala, ngunit sa kaibuturan ng aking puso, hindi ko siya masisi. Hindi naging kasintagumpay ng inasahan ni Inay ang kaniyang mga pagpapaalala. Hindi, nagdaan na ang maraming taon, tumanda na ang musmos, inararo ang mga pinakakilalang ilog sa mundo, at nagnilay sa tabi ng kanilang mga agos. Itinawid na siya ng bapor sa mga dagat, inakyat na niya ang rehiyong palaging may niyebe sa mga kabundukang di-hamak ang taas kaysa Makiling ng kaniyang lalawigan. Tinuruan siya ng karanasan ng mapapait na leksyon, ay! di-masukat ang pait kumpara sa matamis na aral na itinuro ng kaniyang ina, ngunit napanatili ng matanda ang puso ng musmos at patuloy ang paniniwala niyang ang liwanag ang pinakamarikit na umiiral sa mundo at karapat-dapat na ialay ng isang tao ang kaniyang buhay para rito.
Source: Mi Primer Recuerdo: Fragmento de mis Memorias ni Jose Rizal. Isinalin sa Ingles ni Encarnacion Alzona para sa Jose Rizal National Historical Commission at isinalin naman sa Filipino ni Paolo Ven B. Paculan
No Comment to " Ang Gamugamo at ang Liwanag "