Ferrocarril de Manila-Dagupan


Alam niyo bang mayroon na tayong mahabang riles ng tren noon pang mga huling panahon ng pananakop ng mga Espanyol?


Ang Ferrocaril de Manila a Dagupan ay ang pinakaunang riles na na-ilatag sa Pilipinas. Ang konstruksyon ay nagsimula noong 1888, at nang matapos ay sumakop ng 195 na kilometro mula Maynila hanggang Dagupan sa Pangasinan. Ang mga tren ay pinapagana ng singaw at noong panahon na iyon ay ang pinakamabilis na paraan ng paglalakbay sa lupa sa Pilipinas.


Sa araw na ito, Nobyembre 24, taong 1892, unang binuksan sa publiko ang Ferrocarril de Manila a Dagupan o Manila-Dagupan Railway, ang 195 kilometrong daang-bakal ng tren na bumabagtas mula sa pangunahing istasyon nito sa Tutuban, Tondo sa lungsod ng Maynila hanggang sa noo’y bayan ng Dagupan sa Pangasinan.


Mabilis ang naging pagtangkilik ng mga tao sa mga higantemg bakal na sasakyang ito, na sumabay sa takbo ng mga tranvia o mga de-kableng street car. Mga Espanyol at mga iba pang inhinyero mula Europa ang nagplano at nagdisenyo ng mga riles na ito, kabilang na si Charles Henry Kipping, ang inhinyerong British na naging asawa ni Leonor Rivera.


Sa pamamagitan ng isang Royal Decree ni Haring Alfonso XII ng Espanya, inatasan nito ang Inspector of Public Works of the Philippine Island na maglatag ng planong proyekto para sa gagawing riles ng tren sa Luzon.


Ibinigay ni Don Eduardo Lopez Navarro ng nasabing ahensya ang kanilang plano para sa proyekto, na agad inaprubahan ng hari.

Inatasan naman ng nasabing ahensya si Don Edmundo Sykes, ang may-ari ng Ferrocarril de Manila, na mamahala sa konstruksyon.


Noong ika-31 ng Hulyo taong 1887 ay inilagay ang panukalang-bato bilang pagsisimula ng konstruksyon sa nasabing daanan. Naging mas mabilis ang transportasyon ng mga tao, mga kargamento at maging ng mga komunikasyon sa pagsisimula ng pag-arangkada ng mga tren sa Luzon noong mga panahong iyon.


Ilan ding mga personalidad ang sumakay sa Ferrocaril, gaya nina Emilio Aguinaldo at iba pang mga rebolusyonaryong Pilipino na sumakay patungong Dagupan upang magpunta sa bayan ng Sual upang doon sumakay ng barkong papuntang Hong Kong. Naging mahalaga rin ang mga tren na ito noong panahon ng digmaang Pilipino-Amerikano upang maging mas mabilis ang transportasyon ng mga sundalo; Pilipino man o Amerikano, sa iba’t ibang lugar sa Luzon.


Mungkahing Basahin: