Ang Boy Scouts of the Philippines
Eksaktong 98 taon na ang nakararaan, itinatag ang Boy Scouts of the Philippines bilang isang sangay lang ng Boy Scouts of America noong Oktubre 5, 1923. Ito ay ang Boy Scouts of America Philippine Islands Council no. 545, na itinatag ng Rotary Club at nirehistro sa National Headquarters ng BSA.
Mahaba na ang kasaysayan ng Boy Scouts sa Pilipinas mula pa noong panahon ng Amerikano. Taong 1914 pa lang nang naitala ang unang dokumentadong scouting sa Pilipinas, sa lalawigan ng Zamboanga sa pangunguna ni Sherman L. Kiser.
Ang Boy Scouts of Calivo (Kalibo, Aklan) ang itinuturing na unang Boy Scouts na naitatag sa Pilipinas na kinilala ng pamahalaang Amerikano, na binuo noong Abril 1922. Ang unang scouting na narehistro sa Boy Scouts of America ay ang Scouting corps ng Silliman University, na narehistro sa BSA noong Enero 1923.
Ang Boy Scouts Philippines Islands Council no. 545 ay kasama sa mga ipinadalang magiging delegado sa 4th World Jamboree sa Budapest, Hungary. Taong 1934 nang inilagay ang BSA Shanghai Council sa China sa hurisdiksyon ng BSA Philippine Islands Council no. 545.
Huling araw ng Oktubre noong 1936 nang ipinag-isa na sa bagong tatag na Boy Scouts of the Philippines ang BSA Philippine Council no. 545, sa bisa ng Commonwealth Act no. 111, at Bagong Taon noong 1938 nang pormal nang naging isang organisasyon ang Boy Scouts of the Philippines at ang BSA Philippine Council no. 545.
Sanggunian:
• The Kahimyang Project (n.d.). Today in Philippine history,October 5, 1923, the Boy Scouts of the Philippines was formally established as a branch of the Boy Scout of America. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/661/today-in-philippine-history-october-5-1923-the-boy-scouts-of-the-philippines-was-formally-established-as-a-branch-of-the-boy-scout-of-america
• Wikipedia (n.d.). Boy Scouts of the Philippines. https://en.m.wikipedia.org/wiki/Boy_Scouts_of_the_Philippine
No Comment to " Ang Boy Scouts of the Philippines "