Ang pagpaslang kay Leandro Alejandro
Pataksil na pinaslang ang 27-anyos na aktibista at student leader na si Leandro “Lean” Alejandro sa araw na ito noong 1987, nang harangin ng isang van ang kanyang sinasakyan at pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang mga goons, habang papunta siya sa opisina BAYAN sa Cubao. Agad nasawi si Alejandro dahil sa natamong tama ng bala sa kanyang ulo at leeg. Naulila ni Alejandro ang misis niya at kapwa rin niya student leader at aktibistang si Lidy Nakpil, na pinakasalan niya noong Enero 1986.
Nag-iisang anak si Leandro Alejandro ng gitnang-uring pamilya nina Rosendo Alejandro at Salvacion Legara. Nang magtapos sa St. James Academy sa Malabon ay pumasok siya sa University of the Philippines (UP) Diliman noong 1978. Kumuha siya ng kursong Chemistry bilang preparatory course sa medisina, pero higit na naging malakas ang tawag ng aktibismo sa binatang Alejandro. Lumipat siya ng Philippine Studies at namulat sa ideyolohiyang Marxism. Sumali siya sa Anti-Imperialist Youth Committee, at napabilang sa Collegian Liberum na opisyal na peryodiko ng UP, kung saan siya nagsusulat ng mga artikulong pumipintas sa rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Itinatag niya ang Center for National Studies noong 1983. Humawak rin si Alejandro ng mga posisyon sa UP gaya ng hepe ng College of Arts and Sciences Student Council noong 1982 at Chairperson ng UP Student Council noong 1983, na napilitang buwagin dahil sa pag-alis nitong taasan ang sinisingil na matrikula.
Unang nakita si Alejandro na nakikibaka kasama ang mga estudyante sa Mendiola noong 1981, at namuno sa mga student protest kaugnay sa nangyaring pagpatay kay dating Senador Ninoy Aquino bilang pagkondena kay Pangulong Marcos. Nag-drop out sa UP si Alejandro para maging isang ganap na aktibista, at sumali sa mga makakaliwang grupong kritiko ng administrasyong Marcos. Nang binuo ang Bagong Alyansang Makabayan noong 1985 ay siya ang naging unang Secretary General nito.
Nakulong man siya dahil sa pamumuno ng mga protesta sa mga kalye, hindi ito nakapigil sa kanyang ipahayag ang kanyang pagsuporta sa aktibismo laban sa diktadurya ni Marcos. Nang makalaya ay nagtangka si Alejandro na tumakbong Kongresista ng distrito ng Malabon-Navotas laban kay Tessie Aquino-Oreta sa 1986 Snap Elections, pero natalo siya. Kasama rin si Alejandro at mga student leaders sa mga lumahok sa 1986 People Power Revolution, na nagluklok kay Corazon Aquino bilang Pangulo ng Pilipinas.
Nabigo man ang kanyang pagtatangkang pumasok sa pulitika, hindi tumigil sa aktibismo si Alejandro, at noong araw na inanunsyo niya ang pagsasagawa ng strike laban sa panghihimasok ng militar sa pamahalaang Aquino, pinaslang si Alejandro ng hindi pa nakikilalang mga salarin. Walang napanagot sa nangyaring pagpatay, pero ilang mga personalidad ang sinisi sa pagkamatay ni Alejandro, mula sa militar, hanggang kay Pangulong Aquino.
Sanggunian:
• Fineman, M. (1987, September 20). Best-known leftist leader in Philippines slain in ambush. Los Angeles Times. https://www.google.com/amp/s/www.latimes.com/archives/la-xpm-1987-09-20-mn-9008-story.html%3f_amp=true
• Wikipedia (n.d.). Lean Alejandro. https://en.m.wikipedia.org/wiki/Lean_Alejandro
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ang pagpaslang kay Leandro Alejandro "