On

Ang Philippine Airlines (Fil·i·pín Eyr·layns) o PAL ang flag carrier o pangunahing eroplanong pampasahero ng bansa, bukod sa ang una at pinakamatandang airline sa buong Asia. Ang mga pusod ng mga operasyon nito ay nasa Ninoy Aquino International Airport sa Kalakhang Maynila at Mactan-Cebu International Airport sa Kalakhang Cebu.


Noong 1941 itinatag ang PAL ng isang pangkat ng mga negosyante sa pamumunò ni Andres Soriano. Sa taón ding iyon naganap ang kaunaunahang paglipad ng PAL gamit ang isang Beechcraft Model 18 NPC-54 mula Maynila patungong Baguio. Hindi malaon ay binili ito ng pamahalaan. Noong 1946, ang PAL ang unang airline sa Asia na tumawid ng Karagatang Pasipiko sa isang paglipad mula Maynila patungong Oakland, California (na may paghimpil sa Guam at Hawaii). Sinimulan ng PAL ang paglipad sa Europa sa sumunod na taón. Noong 1951, pinaupahan ng PAL ang isang eroplano nitó sa Japan Airlines at naging simula ng pagkatatag ng pambansang tagapaglipad ng mga Hapones.


Napabilang ang PAL sa panahon ng mga jetplane noong dekada sisenta. Nabili rin ito ng pribadong sektor mula sa pamahalaan, ngunit bumalik muli sa pamahalaan noong 1977 sa panahon ng diktadurang Marcos. Naging saksi ang mga sumunod na taón sa paglago ng PAL, at noong 1992, ibinenta ito ng administrasyong Aquino sa pribadong sektor. 


Noong 1995, nakuha ni Lucio Tan ang kontrol ng kompanya, at sinimulan niya ang isang programa ng malawakang modernisasyon na may hangaring gawing isa sa pinakadakilang tagapaglipad ng Asia ang PAL. Naudlot ito sa pagtama ng 1997 krisis pinansiyal sa Asia, at mula sa ambisyong umakyat sa tuktok, mabilis na bumulusok ang lakas ng PAL. Noong 1998, nagsara ang PAL at naging unang Asyanong airline na dumanas ng gayon. Hindi nagtagal, nagbukas muli ang PAL, at noong 2000 ay nagtalâ ng kita sa unang pagkakataón pagkatapos ng anim na taón.


Sa kasalukuyan, ang Airphil Express (dáting Air Philippines at PAL Express) ang nagsisilbing kapatid na kompanya ng PAL at sagot nitó sa lakas ng karibal na Cebu Pacific Air sa mga ruta sa loob ng Pilipinas.