Pambansang parkeng pandagat ng tangrib ng tubbataha
Pambansang parkeng pandagat ng tangrib ng tubbataha
Ang Pambansang Parkeng Pandagat ng Tangríb ng Tubbataha ay napabilang sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong 1993. Kinikilala ang parke bilang isang “napakahusay na halimbawa ng isang napakalinis na tangrib na may kagila-gilalas na 100-metrong nakatindig na bakod, malawak na lawa at dalawang pulo ng tangrib.” Matatagpuan ito sa kalagitnaan ng Dagat Sulu sa munisipalidad ng Cagayancillo at sa Timog-silangang bahagi ng Lungsod Puerto Princesa sa Palawan.
Kasáma ang Hilaga at Timog na Tangrib, may 32,200 ektarya ang lawak ng parke. Isang natatanging halimbawa ito ng kulumpon ng tangrib na may napakaraming species pandagat. Mayroon itong mahigit 300 uri ng tangrib na kumakatawan sa mahigit 90% ng iba’t ibang uri ng tangrib sa Filipinas. Nagsisilbi rin itong santuwaryo ng mahigit sa 500 species ng isda at lamáng-dagat. Ang Hilagang Pulong Munti ay pinamumugaran ng mga nanganganib nang species ng ibon at pinangingitlugan ng mga pagong.
Mahalaga ang ecosystem ng Pambansâng Parkeng Pandagat ng Tangrib ng Tubbataha hindi lámang para sa Pilipinas kundi pati na rin sa buong mundo. Matatagpuan ito sa Coral Triangle na binibigyan ng espesyal na atensiyon ng mundo. Nagsisilbing lunsaran ang lugar ng mga pag-aaral tungkol sa pangangalaga ng ecosystem at biodiversity o saribuhay.
Ang Pambansâng Parkeng Pandagat ng Tangrib ng Tubbataha ay itinatag noong 11 Agosto 1988 sa pamamagitan ng Proklamasyon Bilang 306 ni Pangulong Corazon Aquino. Sa bisà naman ng Presidential Decree 705, napabilang ito sa mga pinangangalagaang lugar sa Filipinas. Kailangang kolektibong isagawa ang pangangalaga sa parkeng ito upang mapanatili ang kasalukuyang napakalinis na kalagayan nitó para sa kapakinabangan ng mga susunod na salinlahi.
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Pambansang parkeng pandagat ng tangrib ng tubbataha "