Palarong Pambansa
Palarong Pambansa
Ang Palarong Pambansa ay isang taunang paligsahan na tampok ang iba’t ibang uri ng isports at nilalahukan ng daan-daang mag-aaral sa mababà at mataas na paaralan na kumakatawan sa kinabibilangan niláng rehiyon ng Filipinas. Maituturing itong pambansang Olympics para sa mga batàng atleta. Ito ang pinakamataas na antas ng kompetisyon sa isports para sa kabataan, pagkatapos ng paakyat nang paakyat na tagisan sa mga school intramural (”intrams”), district meet, provincial o city meet, at regional meet.
Bilang Bureau of Public Schools-Interscholastic Athletics Association (BPISAA) Games, nagsimula ang palaro noong 1948 para sa mga mag-aaral ng mga pampublikong paaralan. Kinalaunan ay binuksan ito sa kabataang gáling sa pribadong eskuwelahan at tinawag nang Palarong Pambansa. Sa kasalukuyan, ang mga uri ng palakasan na kabilang sa paligsahan ay archery, arnis, athletics, badminton, baseball, basketball, boxing, chess, football, golf, gymnastics, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwando, tennis, at volleyball.
Tulad sa palarong Olimpiyada, isang bayan bawat taón ang nagsisilbing host ng kompetisyon. Halimbawa, ginanap ang unang Palaro sa Maynila noong 1948; dinala ito sa Tuguegarao, Cagayan noong sumunod na taón; idinaos sa Tacloban, Leyte noong 1983; at ginanap sa Dapitan, Zamboanga del Norte noong 2011. Malimit na magwagi bilang kampeong rehiyon ang Pambansang Punòng Rehiyon (NCR), at nitóng mga huling taón ay kasunod nitó ang Kanlurang Bisayas (Rehiyon VI) at CALABARZON (Rehiyon IV-A).
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
No Comment to " Palarong Pambansa "