Pagmamano
Pagmamano
Nakaugat ang pagmamáno sa Espanyol na máno o kamay, at tumutukoy sa kaugaliang humalik sa kamay ng iginagálang o minamahal. Sa mga pamilyang Kristiyano, inaasahan itong maging ugali ng isang kabataan o nakababatà kapag nakatagpo ang magulang o nakatatandang kamaganak. Isinasagawa rin ang ganitong pagbibigay-gálang sa pari at mataas na opisyal sa komunidad. May panahong humahalik din ang binata sa kamay ng kasintahan o kahit sa napupusuan pa lámang, bagaman ang ganitong paraan ng paghalik ay higit na kauri ng pagsamba sa Birhen kaysa pagmamano sa iginagálang.
Ang totoo, ang paghalik sa kamay ay hindi lámang pagbatì at kailangang may kalakip na paghingi ng bendisyon. Sa gayon, sinasagot ito ng pari ng pagbabasbas ng tanda ng krus o ng karaniwang “Kaawaan ka ng Diyos.” Ang ganitong paghingi ng bendisyon ay nagaganap din kapag paalis para sa isang paglalakbay ang isang kabataang miyembro ng pamilya o sa katulad na okasyon. Sa kasalukuyan, higit na karaniwang pagpapahayag ng paggálang ang pagyukod. Sinasabing pinairal ng mga kura ang pagmamáno upang patingkarin ang kanilang awtoridad sa mga sakop. Gayunman, may palatandaan na isa itong sinaunang paraan ng pagbibigay-gálang sa Filipinas. Sa matatalik at modernong magkaibigan o magkamag-anak, nauso na ang béso-béso (mula sa Espanyol na béso o halik) o pagdidiit ng mga pisngi, isang gawaing tiyak na mula sa Kanluran.
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
No Comment to " Pagmamano "