Paduka Batara
Paduka Batara (sirka 1417)
Ang paglalakbay ni Paduka Batara sa Beijing noong 1417 ay isang magandang katibayan ng matalik na ugnayan ng Pilipinas at Tsina noon pang bago dumating ang mga taga-Kanluran. Sang-ayon sa Ming Shih o Mga Talâ sa Panahong Ming, noong 1417 at ika-15 taón ng paghahari ni Emperador Yung Le, bumisita ang pinunò ng Sulu na si Padúka Batára. (Ang “Paduka” ay isang titulo ng maharlikang Malayo.) Kasáma ni Padúka ang isa pang pinunò ng kaharian sa kanluran at ang reynang asawa ng hari ng Kinabatangan, at mga pamilya’t alagad na umaabot sa 340 katao. Naghandog silá ng tributo na binubuo ng isang liham, mga perlas at hiyas, mga talukab ng pawikan, at iba pang mahahalagang bagay. Ang dalawang pinunò ay kinompirmang hari ng kani-kanilang teritoryo, binigyan ng karampatang kasuotang pangkorte, selyo, at iba pang sagisag ng kanilang kapangyarihan. Binigyan din silá ng matutuluyan sa loob ng palasyo at ng kaukulang mga tauhan.
Pagkatapos ng 27 araw, nagpaalam sila upang umuwi. Binigyan pa siláng muli ng emperador ng mga handog na ginto at pilak, 200 piraso ng sutla, at mamahaling damit. Hábang naglalakbay patungo sa baybayin, nagkasakit si Padúka. Dinala siyá sa tahanan ng imperyo sa Tekchow, Shandong at doon namatay. Pinabigyan siyá ng marangal na libing ng emperador at ipinagtayô ng isang monumento. Naiwan sa Shandong ang biyuda ni Padúka, mga kabit, at 10 alagad upang alagaan ang kaniyang libingan sa loob ng tatlong taón. Ang pinakamatandang anak na si Tumahan ay umuwi upang humaliling pinunò ng Sulu. Nanatili sa Tsina ang dalawang anak ni Padúka at ginamit ang apelyidong “An” at “Wun.” Sa gayon, ang mga An at Wun ngayon sa Tekchow ay may dugong Suluanon.
Noong Hunyo 1733 ang sultan ng Sulu na si Mahmud Badr-ud Din ay nagpadalá ng sugo sa Emperador Yong Cheng upang magpasalamat sa marangal na pagtanggap sa kaniyang mga ninuno 300 taón na ang nakalilipas. Hiniling din niyang ipaayos ang libingan ni Padúka at pangalagaan ang naroong mga kamag-anak. Matapos pag-aralan, ipinahintulot ng emperador ang mga hiling ng sultan. Ipinag-utos ng emperador ang paghanap at pagsasaayos ng mga templo at monumentong konektado sa libingan ni Padúka at naghalal ng kinatawan mula sa mga An at Wun upang mangasiwa sa pagsasaayos. (VSA)
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Paduka Batara "