Ang ulog ay bahay na pinagniniigan ng mga babae at lalaking Bontok na nasa tamang gulang na. Nagsisilbi rin itong pook sa pagliligawan ng mga babae at lalaki. Sinasabing mayroon noong 17 ulog sa Bontok. Ang mga gamit na matatagpuan sa loob nito ay ang ebeg at atag na kagamitang pantulog.


Ang mga babaeng musmos pa ay karaniwang natutulog kasama ang kanilang lola o ibang kamag-anak na matandang babae hanggang umabot sila sa edad na 13 o 14. Sa naturang gulang ay ililipat na sila sa ulog.


Ang mga bahay sa Bontok ay karaniwang walang dibisyon. Dahil dito, ipinadadala sa ulog ang mga anak na babae. Isa pang dahilan ng pagtira sa mga dormitoryong ito ay hindi maaaring tumira sa iisang bubong ang magkapatid. Kung kaya kapag ang isang babae ay nasa isang partikular na ulog, hindi maaaring magpunta ang kaniyang kapatid na lalaki o mga pinsang lalaki doon.


Maaaring piliin ng babae ang ulog na nais niyang tuluyan, kadalasang pinipilì ang ulog na kinaroroonan ng kaniyang mga kaibigan.


Hindi tamang matulog sa labas ng ulog kapag ang isang babae ay nasa edad na ng pag-aasawa. Hindi rin maaaring magligawan at magniig ang babae at lalaki sa labas ng ulog.


Ang mga lalaking nais manligaw ay makapipilì ng ulog na nais nilang puntahan. Nagdadala silá ng mga instrumento upang sumaliw sa kanilang awit ng pag-ibig na tinatawag na ayégka. Kapag pinili ng isang babaeng Bontok ang lalaking nais niyang bahagihan ng kaniyang kumot, ipaaalam ito sa kanilang nayon.


Pinagmulan: NCCA Official


Mungkahing Basahin: