Ang Hospital San Juan de Dios (Os·pi·tál de San Hu·wán de Di·yós) ang pinakamatandang ospital sa Pilipinas. Kilala ngayon bilang San Juan de Dios Educational Foundation, Inc., itinatag ang institusyon ng mga misyonerong Pransiskano noong 24 Hunyo 1578.


Nagsimula ang ospital bilang dispensaryo (gusali para sa pamamahagi ng mga gamot) sa Intramuros. Noong 1579, nagpatayo ang mga pari ng kubong nipa at ospital na yari sa kawayan na may dalawang ward (silid). Si Fray Juan Fernandez de Leon ang unang kapelyan ng ospital.


Noong 1596, nalipat ang pamamalakad ng ospital sa Confraternity of Mercy (Hermanidad de la Misericordia). Isang apoy noong 1603 at lindol noong 1645 ang umubos sa yaman ng Cofradia, at nalipat ang pamamahala sa Brothers of St. John of God at nakilala na bilang Hospital de San Juan de Dios.


Noong 1863, giniba ng isang lindol ang ospital. Noong 1866, nilipat ang institusyon sa pangangasiwa ng Konseho ng mga Inspektor pagkatapos lumipat sa Cavite ang orden. Noong 1868, nalipat ang ospital sa Daughters of Charity of St. Vincent de Paul. Noong 1880, isa na namang lindol ang gumiba sa gusali, na isinaayos dalawang taon ang makalipas.


Sa panahon ng kolonyalismong Espanyol, karamihan ng mga pasyente ay mahihirap, ngunit sinimulang tanggapin ang mga nagbabayad na pasyente noong panahon ng Amerikano. Noong 1913, binuksan ng ospital ang kauna-unahang Paaralan ng Narsing sa bansa. Isa ito sa mga pangunahing paaralang pang-narsing bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noong 1936, naging pinakamalaking pribadong ospital sa Filipinas ang San Juan de Dios. Nawasak ang ospital sa Liberation sa Maynila noong 1945.


Noong 1952, lumipat ang ospital sa kasalukuyan nitong kinatitirikan sa Roxas Boulevard. Ang bahaging outpatient nito ay nakalaan noon para lamang sa mahihirap na pasyente. Noong 1991, naging educational foundation ang ospital at binigyan ng bagong pangalan.


Sa kasalukuyan, mayroon itong kapasidad na 230 kama. Dito pumanaw si Mario O’Hara, isa sa pinakamahusay na direktor at manunulat ng dulang pampelikula.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: