Dawa-Dawa
Itinuturing itong pinakamapinsalang damo sa buong mundo dahil bumababa ang ani kapag tumutubo ito sa mga palayan. Ang pagtubo ng dawa-dawa sa mga sakahan ay nagiging dahilan upang mawala ang nitrogen sa lupa. Ang mataas na nibel ng nitrates na inilalabas nitó ay nagiging lason sa mga pananim.
Bawat isang halaman ng dawa-dawa ay kayang lumikha ng 40,000 na buto kada taon na naikakalat ng mga ibon, insekto at hayop kaya mabilis itong dumami. Dahil sa nagiging kahawig nito ang palay, nahihirapan ang mga magsasaka na bunutin ang dawa-dawa sa mga sakahan.
Sa kabilang banda, may pakinabang na nakukuha mula sa dawa-dawa kayâ hinahayaan itong tumubò. Ito ay maaaring ipakain nang sariwa sa mga báka at iba pang hayop.
Sa panahon ng tag-init ang ginapas na dawadawa ay nagsisilbing kumpay o pinatuyong dayaming pagkain ng mga alagang hayop. Ang ilang klase ng dawa-dawa ay maaaring kainin ng tao sa panahon ng kakulangan sa pagkain.
Sa Pilipinas, ang mga ugat nito ay maaari ring gamitin sa paggamot ng empatso. Dahil sa mga pakinabang ng dawa-dawa, may ilan na nagtatanim nito sa Japan, Korea, at Tsina.
Ang “dáwa-dáwa” ay sinaunang tawag din sa pinong hibla ng ginto. Isa itong patunay sa naganap na pagmina ng ginto at kaukulang paggamit nitó bilang hiyas. Marahil, ibinatay ang tawag sa pinong hibla ng ginto sa itsura ng dahon ng damong dáwa-dáwa na tila makitid, mahabà, at dilaw na dahon ng palay.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Dawa-Dawa "