Sino si Carlos P Romulo?


Isang manunulat, peryodista, propesor, sundalo, embahador, at burukrata si Carlos P. Romulo (Kárlos Pi Ró·mu·lo). Ginawaran siya ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 1982.


Sa mahabang karera ni Romulo bilang opisyal ng gobyerno ay kabílang ang

  • kalihim ng Public Information and Public Relations sa gabinete ni Pangulong Manuel L. Quezon, Washington DC (1943-1944);
  • residenteng komisyoner ng Filipinas sa Estados Unidos (1944-1946);
  • pinunò ng Philippine Mission sa Estados Unidos (1945-1954);
  • kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas, gabinete ni Pangulong Elpidio Quirino (1950-1952);
  • embahador ng Filipinas sa Estados Unidos, (1952-1953, 1955-1962);
  • kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon at pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas (1962-1968);
  • ministro ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas; at kasapi ng Batasang Pambansa.


Naging kinatawan din siyá sa pagbubuo ng United Nations (UN) at naging Asyanong pangulo ng Pangkalahatang Asamblea nito noong 1949. Apat na ulit siyáng naglilingkod na pangulo ng UN Security Council, makalawa noong 1957, sumunod noong 1980 at noong 1981.


Isa rin siyang peryodista at nagkamit ng Premyong Pulitzer ng mga Amerikano. Sumulat siya ng umaabot sa 18 mga aklat, kabílang ang nobelang The United; ang awtobiyograpiyang I Walked with Heroes; ang alaala niyá sa digmaan sa I Saw the Fall of the Philippines, Mother America, at I See the Philippines Rise. Ginawaran siyá ng Hukbo ng Estados Unidos ng Purple Heart at Silver Star para sa kaniyang serbisyo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nagkamit din siyá ng Republic Cultural Heritage Award (1965) at Rizal Pro Patria Award (1971).


Isinilang siya noong 14 Enero 1899 sa Camiling, Tarlac kina dating gobernador Gregorio Romulo at Maria Peña. Ikinasal siyá nang dalawang ulit, una kay Virginia Llamas, at ikalawa kay Beth Day. Nag-aral siyá sa Manila High School at nakuha niyá ang kaniyang Batsilyer sa Sining sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) noong 1918 at ang kaniyang Master of Arts sa Columbia University noong 1921.


Namatay siya noong 15 Disyembre 1985.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: