Tuli
Ginagawa ito bilang bahagi ng kinagisnang kaugalian kung hindi ma’y paraan ng kalinisan sa pangangatawan. Tinatawag din itong kúgit sa Ilokano at sonát sa sinaunang Tagalog.
Sa ibang kultura, itinuturing itong bahagi ng paniniwalang panrelihiyon, lalo na sa mga Muslim sa Gitnang Silangan at Gitnang Asia at sa mga Kristiyano sa Hilaga at Kanlurang Aprika. Ang pagtuli naman ay itinuturing na kautusan ng Diyos sa relihiyong Hudaismo.
Bukod sa Pilipinas, malaganap din ang pagtuli sa Estados Unidos, Israel, at Timog Korea. Tinatáyang 30% ng kalalakihan sa buong mundo ang tuli, karamihan sa mga ito ay Muslim.
Kadalasang itinuturing na ritwal ng pagbibinata, ang pagtuli ay isinasagawa sa mga lalaking Filipinong nása edad 11-16 sa pamamagitan ng paraang medikal sa mga siyudad o di kayâ’y sa paraang panritwal lalo na sa probinsiya.
Itinuturing na mas malinis at sa gayo’y mas ligtas ang unang pamamaraan. Gayunman, dahil sa gastusin, maraming Filipino, lalo na sa kanayunan ang nagtutungo sa mga manunuling kadalasan ay arbularyo o barbero ng bayan sa halip na magpunta sa klinika o ospital.
Sa ikalawang pamamaraan, naglulublob muna ang mga batà sa ilog nang isang oras, pagkatapos ay pangunguyain sila ng dahon ng bayabas. Papipilahin ng manunuli ang mga batà at isa-isa siláng tutuliin gamit lámang ang labaha at pamukpok. Papayuhan ng manunuli ang mga batà na tapalan ng nginuyang dahon ang sugat upang mabilis itong maghilom.
Bahagi ng pagsubok sa katapangan ng batà ang kakayahan niyáng idura ang nginuyang dahon ng bayabas pagkaraang tuliin.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Tuli "