Saan matatagpuan ang talong Maria Cristina?


Ang Talong Maria Cristina (ta·lóng mar·yá kris·tí·na) ang pangalawa sa pinakamataas na talon sa Pilipinas. Ang lawak nito ay 98 metro at ang taas ay 320 talampakan. Matatagpuan ito sa Lungsod Iligan, sa lalawigan ng Lanao del Sur sa Mindanao.


Ang Lungsod Iligan ay tinaguriang “Siyudad ng mga Maharlikang Talon” dahil sa matatagpuan dito ang may 23 talon.


Ang Talong Maria Cristina ay bahagi ng Ilog Agus. Kilala rin ito bilang “kambal na talon” dahil sa isang malaking batong nasa tuktok ng daluyan ng tubig nito na nagiging dahilan ng paghihiwalay ng bumabagsak na agos at lumilikha ng anyong tila dalawang magkadikit na talon. Isa ito sa pinakatanyag at kahanga-hangang lugar na panturismo ng bansa.


Ang Talong Maria Cristina ang pangunahing pinagmumulan ng koryenteng pinadadaloy sa Mindanao. Walumpung porsiyento ng elektrisidad ng Mindanao ang nagbubuhat sa talon sa pamamagitan ng Agus IV Hydroelectric Plant na nasa pangangasiwa ng National Power Corporation.


Ang plantang ito ang kumokontrol sa pag-agos ng tubig sa lawa at 90 porsiyento ng tubig ng lawa ang ginagamit para operasyon ng planta. Ang pagtatayo ng plantang pang-elektrisidad dito noong 1952 ay nagbunsod ng mabilis na urbanisasyon ng Iligan.


Nagmula ang pangalan ng talon sa alamat ng dalawang magkapatid na nagngangalang Maria at Cristina na parehong inibig ng anak ng isang sultan. Hindi alam ng magkapatid kung sino sa kanila ang tunay na iniibig ng binata.


Umibig na ang nakababatang si Maria sa binata, at dahil sa labis na kalungkutan dulot ng kawalang katiyakan sa pag-ibig, nagpunta siya sa tuktok ng talon at nagpakamatay. Nang matuklasan ni Cristina ang sinapit ng kapatid, nagpakamatay rin ito sa pamamagitan ng pagtalon mula sa tuktok ng talon.


Nalaman ng binata ang nangyari sa magkapatid at nang matagpuan niya ang mga katawan nito, inilibing niya ang mga ito sa ibaba ng talon at ipinangalan ang talon sa minahal niyang magkapatid, Maria Cristina.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: