Lungsod ng Tagaytay


Ang Tagaytay ay isang lungsod sa lalawigan ng Cavite na itinuturing na ”Ikalawang Summer Capital” ng Pilipinas pagkatapos ng Baguio.


Tanyag ito sa mga turista dahil sa malamig na klima at magagandang tanawin samantalang hindi kalalayuan sa Kamaynilaan (34 km lamang ang layo nito mula sa Maynila).


Tanaw mula sa Tagaytay ang Lawang Taal. Natatangi ang lawà dahil mayroon itong isla sa gitna (Bulkang Taal) na may sariling ring lawa sa loob, at isa pang isla sa loob ng ikalawang lawàng ito. Popular ang lungsod na dausan ng mga piknik, honeymoon, pagpupulong, at okasyong pampalakasan. Maramina dito ngayong mahusay na bahaybakasyunan, otel, at espesyal na mga restoran.


Ang Tagaytay ay mayroong lawak na mahigit-kumulang 66 kilometro kuwadrado at matatagpuan sa Tagaytay Ridge, na siya namang bibig ng Taal Caldera. Maburol at bulubundukin ang lupain. Matatagpuan dito ang Bundok Sungay, ang pinakamataas na lugar sa Cavite. Noong 1979, kinalahati ang tuktok ng bundok na ito sa utos ni Imelda Marcos upang patayuan ng ”Palace in the Sky,” na pinangalanang ”People’s Park in the Sky” pagkatapos ng People Power Revolution.


Noong Himagsikang Filipino, naging kanlungan ng mga rebolusyonaryo ang matataas na bahagi at kagubatan ng Tagaytay. Ganito rin ang naging silbi ng pook noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig para sa mga Filipinong sundalo at gerilya.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr