Isabelo Tampinco
Pangunahing eskultor at mang-uukit si Isabelo Tampinco (I·sa·bé·lo Tam·pín·ko) at dinadakila sa paggamit ng katutubong imahen sa kaniyang mga obra sa kahoy. Itinaguyod niyá ang katutubong estilong Filipino sa sining pandekorasyon.
Gumamit siyá sa kaniyang mga disenyo ng anyo ng bunga (palmera) para sa mga haligi, dahon ng anahaw at saging sa mga detalye, at salá-salá (banig) para sa mga arko at patsada. Ginamit din itong mga disenyo sa paglikha ng kuwadro, bintana, arko, at muwebles.
Isinilang siyá noong 19 Nobyembre 1850 kina Leoncio Tampinco at Justa Lacandola na kabílang sa angkan ni Raha Lakandula ng Tundo. Bagaman hindi mariwasa ang kaniyang pamilya, nakapag-aral siyá sa Escuela de Artes y Oficios sa ilalim ng mga gurong Agustin Saez at Lorenzo Rocha.
Mayroon siyáng negosyo sa sining sa kalye Hidalgo at nagtuturo na sa Escuela de Artes y Oficios nang sumiklab ang Himagsikan. Patuloy niyáng nilinang ang kaniyang estilo hanggang yumao noong 20 Enero 1933.
Itinuturing na pinakamahusay na obra ni Tampinco ang mga ukit sa kahoy na ginamit sa Simbahan ng San Ignacio (na nasunog noong mga 1930). Inilahok niyá sa proyekto ang mahigit sa 50 artesanong nakatulong niyá sa paglikha ng mga pigura ng santo, punòng altar, haliging may adorno, nakaarkong kisame, via crucis, at iba pang ukit sa loob ng simbahan. Inilarawan ito bilang “monumentong katumbas ng alinman sa mundo” at “walang kapares” sa “kaakit-akit na likhang-diwa, maadornong ukit, at kaisahan sa sining.”
Natunghayan ang ilan pang obra niyá sa Simbahang Santo Domingo sa Intramuros, altar sa simbahan ng Laoag, Ilocos Norte at Mangaldan, Pangasinan (bagaman pawang nasunog noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig). Makikita ang mga obrang Tampinco sa Malacañang, Ayuntamyento, at Ateneo de Manila.
Tumanggap si Tampinco ng maraming gawad, kabílang ang ginto at pilak na medalya sa Exposicion General de las islas Filipinas (1887) gintong medalya sa Exposicion Universal de Barcelona (1888), at ginto at pilak na medalya sa Lousiana Purchase Exposition sa Estados Unidos (1904).
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Isabelo Tampinco "