On
Granada: Prutas

Ang granada ay isang masustansiyang prutas na sinasabing nagmula sa Iran at itinatanim na noong sinaunang panahon pa.


Ito ay may nakakaing buto na napapaligiran ng makinis na pulang laman na tinatawag na arils. Sa ngayon, malaking bahagi ng produksiyon nito ay nagmumula sa rehiyon ng Mediterranean sa Timog Europa, Gitnang Silangan, Hilagang Aprika, India at ilang tuyong bahagi ng Timog-Silangang Asia.


Isa sa pangkaraniwang gamit ng granada ay bilang isang kasangkapan sa pagluluto. Ang pinatuyong arils ay ginagamit bilang pampalasa sa mga lutuing Indian at Pakistani. Ang arils na binalutan naman ng tsokolate ay ginagamit ding sangkap sa pagluluto ng mga panghimagas. Maaari din itong gamiting topping sa salad, yogurt o sorbetes. Ang katas ay popular na inumin sa mga lutuing Persian at Armenian. Inihahalo din ito sa paggawa ng mga nakakalasing na inumin.


Ginagamit din ang granada bilang tradisyonal na medisina. Ang laman at ang balat ng kahoy nito ay ginagamit bilang tradisyonal na lunas sa pagtatae. Ang buto at katas naman nito ay nakatutulong sa pagpapalakas ng puso at lalamunan.


Granada: Armas


Ang granada o grenade sa Ingles ay isa namang maliit na pampasabog na karaniwang inihahagis sa pamamagitan ng kamay. Ang unang bersiyon ng granada ay mula sa Italya noong 1427 at gawa sa luad na hinulma at nilagyan ng pulbura.


Maaaring magbuga ng apoy, usok, liwanag, o mga kemikal ang isang granada kapag sumabog. Ginagamit ang mga granada upang lusubin ang kalaban nang malapitan.


May iba’t ibang gamit ang mga uri ng granada, ngunit ang karaniwang sumasabog na granada ay upang sirain ang depensa ng kalaban. Ang mga nagbubuga ng apoy ay ginagamit naman upang pasilabin ang mga armas at iba pang kagamitan ng kalaban.


Ang mga nagbubuga ng usok ay para sa identipikasyon o pagbibigay ng hudyat.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: