Balikbayan
Nilikha ito upang ipangalan sa programang panturismo noong 1973 ng itinayong Ministri ng Turismo. Ang programa ay tinawag mismong “Programang Balikbayan” (Balikbayan Program) at may layuning akitin ang mga Filipino sa ibang bansa na dumalaw sa Filipinas.
Hindi lamang nais ng Ministri na pagkakitahan ang pagbabakasyon ng mga Filipino mula sa ibang bansa. Nais din ng Ministri na ipagmalaki sa kanila ang mga pagbabago sa ilalim ng Bagong Lipunan.
May mga espesyal na pribilehiyo sa balikbayan, gaya ng mababang pasahe sa eroplano, lalo’t Philippine Air Lines ang kukunin, at palugit sa bigat ng bagahe kapag gumamit ng tinawag na “balikbáyan box.”
Ang tagumpay ng programa ay makikita sa naging popularidad mismo ng salitang balikbayan. Naging pantawag na ito sa sinumang umuwi, kahit mula lámang sa pag-aaral sa Maynila at bumalik sa probinsiya.
Sinimulan din nito ang uso na paggamit ng “balik-“ bílang tíla unlaping re- para sa anumang aktibidad na nangangailangan ng pagbalik o paglingon: “baliksulyap” “baliktanaw,” “balik-aral,” “baliktanong,” “baliksuntok,” “balikpuna,” “balikliham,” “balikbisyo,” “balikbahay,” “baliktrabaho,” at iba pang maaaring manatili sa mahabang panahon.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Balikbayan "