Kalendaryo
Pinangangalanan nito ang mga araw, linggo, buwan, at taon. Ang buwan at taon ng kalendaryo ay nakabatay sa galaw ng mga lawas pangkalawakan: ng buwan, araw, at mundo. Sinasabing mula ito sa salitang Latin na kalendae na katawagan sa unang araw ng bawat buwan.
Mayroong sariling kalendaryo ang mga sinaunang sibilisasyon ng mundo. Sa sibilisasyong Summer, 12 ang buwan at may 29 o 30 araw bawat buwan.
Ang sibilisasyong Maya naman ay may dalawang uri ng taon—ang tinatawag na Sacred Round ang taong may 260 araw at ang Vague Year na may 365 araw. Gumamit ng kalendaryong lunisolar ang sibilisasyong Griyego, isa itong kalendaryong may 364 araw na nakabatay sa siklo ng araw at ng buwan at may leap month tuwing dalawang taon.
Ang kalendaryong Romano naman ay mayroong 304 araw at 10 buwan bawat taon, binibilang nila ang taon batay sa pagkakatatag ng Roma o kaya sa pamamahala ng isang konsul.
Noong Edad Medya, naging laganap ang sistemang Anno Domini o batay sa kapanganakan ni Hesus. Ang kalendaryong Gregoryano ang kinikilala at ginagamit sa modernong panahon. Ipinakilala ito ni Papa Gregorio XIII sa pamamagitan ng bulang Inter gravissimas noong 24 Pebrero 1582.
Lumabas ang unang kalendaryong Filipino sa Dimasalang Kalendariong Tagalog (1920) na isinulat ni Don Honorio Lopez.
Isa itong kalendaryong may hula batay sa kanluraning astrolohiya at pananaw ng Tagalog. May kinalaman ito sa pagtukoy ng siklo ng panahon gaya ng kabilugan ng buwan, tag-ulan, tag-araw, at iba pa na dapat isaalang-alang sa pagsasaka, paghahayupan, at iba pang kabuhayan.
Mayroon ding kalakip na payo hinggil sa pag-ibig, pagpapamilya, at paghahanapbuhay at talâ ng bawat araw tungkol sa pagdiriwang ng partikular na santong patron o araw ng kapanganakan at kamatayan ng mahalagang tao sa kasaysayan, panitikan, at politika ng Filipinas.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kalendaryo "