Kalapati
May mga pigura ng kalapati na nakaadorno sa templo ni Astarte, isang diyosa ng pertilidad, noon pa mang 5000-2000 B.C. Mahilig mag-alaga ng ibong ito ang mga Ehipsiyo, Griyego, at Romano.
Pinaniniwalaang ang kasalukuyang mga lahi ng kalapati ay nagmula sa tinatawag na rock dove (Columba livia) ng Hilagang Africa at Europa, ngunit madalî itong nakikipaglahian sa mga species dito sa Asia (C. leuconota at C. intermedia).
Ang maiilap na kalapati ay may mga patong na asul ang kulay at maitim ang mga bagwis. Walang gaanong ipinag-iba ang babae sa lalaki sa kulay ng balahibo, medyo maputla lámang ang disenyo ng balahibo ng babaeng kalapati.
Kapag naglalakad, nakataas ang buntot ng babae at may ugaling umampang-ampang (waddle). Mayabang at agresibo ang lalaki kung lumakad.
Iba’t iba ang mga lahi ng kalapati. Marami dito ay inaalagaan na sa Filipinas. May mga lahi na ginagamit para sa produksiyon ng pitson (squab) o mga batàng kalapati para sa karne, tulad ng White Kings, Red Carneau, French Mondaine at Giant Homers.
May mga lahi para sa eksibisyon o pagandahan tulad ng Fantails, Modenas, Frills Trumpeters, Jacobins, Tumblers at Pouters. Ang pinakapopular ngayon ay ang pag-aalaga ng mga lahing ginagamit sa karera, tulad ng Racing Homer at Roller Pigeon. Ang mga lahing ito ay may kakayahang makabalik sa pinanggalingan kahit na lubhang malayò ang lalakbayin.
Sa pangkalahatan, ang kalapati ay monogamous. Kapag ang dalawang kalapati ay nagkapareha na, mananatili siláng magkapareha habangbuhay. Kapag namatay ang isa, ang natitirang buháy ay kadalasang nagpapakamatay sa pamamagitan ng boluntaryong hindi pagkain o hindi pag-inom ng tubig.
Hindi nakakapagtaka na kinikilala ang kalapati hindi lamang isang simbolo ng kapayapaan, kundi isang simbolo ng matrimonyo o pag-iisang dibdib.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kalapati "