Mga katanungan ukol sa kalusugan ng ating mata


1. Bakit mahalaga ang pangangalaga ng mata at paningin?

Ang paningin ay isa sa pinakamahalaga nating sentido. 80% ng ating nadarama ay nagmumula sa paggamit ng ating mga paningin. Sa pamamagitan ng pangangalaga ng ating mga mata, ang posibilidad ng pagkabulag at pagkawala ng paningin ay mababawasan habang patuloy ring binibigyang pansin ang pagkabuo ng kahit anumang karamdaman sa mata gaya ng mga katarata at glaucoma.

 

2. Ano ang mga karaniwang diperensya at karamdaman sa mata?

Ang mga karaniwang diperensya at karamdaman sa mata ay ang:

  • refractive errors
  • macular degeneration na may kinalaman sa edad
  • katarata
  • diabetic retinopathy
  • glaucoma
  • amblyopia
  • strabismus

 

3. Ano ang refractive error?

Ang refractive error ay isang uri ng diperensya sa matang karaniwang nagdudulot ng panlalabo ng paningin. Kabilang sa mga refractive errors ang myopia (nearsightedness o malinaw na paningin sa malapit), hyperopia (farsightedness o malinaw na paningin sa malayo), astigmatism (distorted na paningin sa lahat ng distansya) at presbyopia na nangyayari sa pagitan ng mga edad na 40 hanggang 50 taong gulang (kawalan ng kakayahang magpokus sa malapitan, kawalan ng kakayahang basahin ang mga letra ng phone book, ang pangangailangang hawakan nang malayo ang dyaryo upang malinaw itong makita). Ang mga ito ay maaaring maitama ng salamin sa mata, contact lenses, o sa ilang pagkakataon, operasyon.

 

4. Ano ang 3 karaniwang mga sintomas ng refractive errors?

Kabilang sa mga sintomas ng refractive errors ang:

  1. malabong paningin
  2. pagod o di maginhawang pakiramdam sa mata (eye strain or discomfort)
  3. sakit ng ulo

 

5. Ano ang macular degeneration na may kinalaman sa edad (age-related macular degeneration)?

Ang macular degeneration, kadalasang tinatawag na macular degeneration na may kinalaman sa edad (age-related macular degeneration (AMD)) ay isang diperensya sa matang maiuugnay sa edad at humahantong sa pagkapinsala ng matalas at sentral na paningin (sharp and central vision).

 

6. Ano ang katarata?


Ang katarata ay isang clouding ng lens ng mata at ang pangunahing sanhi ng pagkabulag sa buong mundo. Kahit na ang paglapat ng lunas para sa pagtanggal ng katarata ay malawakang makukuha, ang mga hadlang sa pagkuha nito gaya ng saklaw ng seguro (insurance coverage), gastos sa paggamot, kagustuhan ng pasyente o kakulangan ng kaalaman ay nakapipigil sa maraming tao sa pagtanggap ng wastong paggamot.

 

7. Ano ang diabetic retinopathy?

Ang diabetic retinopathy (DR) ay isang karaniwang komplikasyon ng dyabetis. Katangian ng karamdamang ito ang lumalalang pinsala sa mga daluyan ng dugo sa retina, ang tisyung sensitibo sa ilaw sa likod ng mata na kinakailangan para sa malinaw na paningin.

 

8. Ano ang glaucoma?

Ang glaucoma ay isang grupo ng karamdamang maaaring makapinsala ng optic na ugat sa mata (eye’s optic nerve) at humantong sa pagkawala ng paningin at pagkabulag. Ito ay nangyayari kapag ang normal o karaniwang puwersa ng likido (normal fluid pressure) sa loob ng mga mata ay unti-unting tumataas. Gayunman, ang kamakailang mga natuklasan ay nagpapakitang maaaring magkaroon ng glaucoma ang isang tao kahit may normal na puwersa sa mata (normal eye pressure). Sa pamamagitan ng maagang paggamot, maaari mong maprotektahan ang iyong mga mata laban sa malubhang pagkawala ng paningin.

 

9. Ano ang amblyopia?

Ang amblyopia, tinutukoy rin bilang “lazy eye” ay ang pinakakaraniwang sanhi ng sira sa mata ng mga bata. Ito ang terminong medikal na ginagamit kapag ang linaw sa paningin ng isa sa mga mata ay nababawasan dahil ang mata at utak ay di nagtutulungan nang maayos. Ang mismong mata ay mukhang normal subalit ito ay di nagagamit nang normal dahil pinapanigan ng utak ang kabilang mata.

 

10. Ano ang strabismus?

Kasama sa strabismus ang kawalan ng balanse sa pagkakaposisyon ng dalawang mata. Maaari itong maging dahilan ng pagsalubong ng mga mata (esotropia) o paghiwalay ng mga ito (exotropia). Ang strabismus ay sanhi ng kakulangan ng koordinasyon ng dalawang mata. Bunga nito, ang mga mata ay tumitingin sa magkaibang direksyon at di sabay na nagpopokus sa isang lugar. Kapag ang dalawang mata ay di makapokus sa isang imahe, nagkakaroon ng bawas o kawalan ng lalim sa pagpuna (depth perception) at ang utak ay maaaring matutong di bigyang pansin ang input mula sa isang mata na magdudulot ng permanenteng pagkawala ng paningin ng nasabing mata (isang uri ng amblyopia).

 

11. Paano mo malalaman kung kailangan mong magpatingin sa isang doktor sa mata?

May 15 palatandaang magsasabi sa iyo na kailangan mong magpatingin sa isang doktor sa mata. Ito ay ang mga sumusunod:

  1. foreign object sa iyong mga mata gaya ng pinong buhangin, dumi, mga kemikal o isang
    malaking bagay
  2. pananakit ng mata
  3. pagkapagod ng mat
  4. impeksyon sa mata
  5. panlalabo ng paningin o mga suliranin sa pagpokus
  6. pagiging sensitibo sa ilaw
  7. panunuyo o pangangati ng mga mata
  8. pagdanas ng cloud of floaters, flashes of light, o swirly mists o curtain sa itaas na bahagi
    ng mata
  9. pagdodoble ng paningin
  10. pagkakita ng halos sa paligid ng mga ilaw partikular habang kalagitnaan ng araw
  11. hirap na makakita sa gabi
  12. mga suliranin sa malapitan o malayuang paningin
  13. madalas na pananakit ng ulo
  14. dyabetis
  15. kung matagal nang di nakakakonsulta

 

12. Ano ang mga bagay na maaari mong gawin upang matulungang mapanatiling malusog ang
iyong mga mata?


Ang mga bagay na maaari mong gawin upang matulungang mapanatiling malusog ang iyong mga mata at makasigurong nasa pinakamaayos na kalagayan ang iyong paningin ay ang mga sumusunod:

  • Kumain ng isang malusog at balanseng diyeta. Dapat isama sa iyong diyeta ang maraming prutas at gulay, lalo na ang dilaw at berdeng madahong mga gulay (deep yellow and green leafy vegetables). Ang pagkain ng isdang sagana sa omega-3 fatty acids gaya ng salmon, tuna at halibut ay maaari ring makatulong sa iyong mga mata.
  • Panatilihin ang wastong timbang. Pinapataas ng sobrang timbang (overweight) o labis na timbang (obesity) ang panganib ng pagkakaroon ng dyabetis. Ang pagkakaroon ng dyabetis ay naglalagay sa iyo sa mas mataas na panganib ng pagkakaroon ng diabetic retinopathy o glaucoma.
  • Regular na mag-ehersisyo. Ang ehersisyo ay maaaring makatulong upang maiwasan o kontrolin ang dyabetis, mataas na presyon ng dugo at mataas na kolesterol. Ang mga karamdamang ito ay maaaring humantong sa ilang mga suliranin sa mata o paningin. Kaya kung ikaw ay mag-eehersisyo nang regular, maaari mong pababain ang panganib na magkakaroon ka ng ganitong mga suliranin sa mata at paningin.
  • Magsuot ng salaming pang-araw (sunglasses). Ang pagkabilad sa araw ay maaaring makapinsala sa iyong mga mata at itaas ang panganib ng pagkakaroon mo ng katarata at macular degeneration na may kinalaman sa edad (age-related macular degeneration). Protektahan ang iyong mga mata sa pamamagitan ng paggamit ng salaming pang-araw na humaharang sa 99 hanggang 100% ng kapwa UV-A at UV-B na radyasyon.
  • Magsuot ng pangprotektang salamin sa mata. Upang maiwasan ang mga pinsala sa mata, kailangan mo ng proteksyon sa mata kapag naglalaro ng ilang mga isport, nagtatrabaho bilang manggagawa sa pabrika at konstruksyon, at gumagawa ng pagkukumpuni o mga proyekto sa iyong tahanan.
  • Iwasan ang paninigarilyo. Ang paninigarilyo ay nagdadagdag sa panganib ng pagkakaroon ng mga karamdaman sa matang may kinalaman sa edad gaya ng macular degeneration at katarata at maaaring makapinsala sa optic na ugat (optic nerve).
  • Alamin ang medikal na kasaysayan ng iyong angkan. Ang ilang mga karamdaman sa mata ay namamana kaya mahalagang malaman kung may sinuman sa iyong mga kaanak ang nagkaroon na nito. Ito ay makatutulong sa iyo upang matukoy kung ikaw ay nalalagay sa mas mataas na panganib ng pagkakaroon ng karamdaman sa mata.
  • Alamin ang iyong ibang mga kadahilanan sa peligro (risk factors). Habang ikaw ay tumatanda, ikaw ay nalalagay sa mas mataas na panganib ng pagkakaroon ng mga karamdaman at kondisyon sa matang may kinalaman sa edad. Mahalagang malaman mo ang iyong mga kadahilanan sa peligro sapagkat maaari mong pababain ang panganib sa pamamagitan ng pagbabago ng ilang mga pag-uugali.
  • Kung ikaw ay nagsusuot ng contacts, gumawa ng mga hakbang upang maiwasan ang mga impeksyon sa mata. Hugasang mabuti ang iyong mga kamay bago ilagay o tanggalin ang contact lenses. Sundin din ang mga tagubilin sa paglilinis ng mga ito at palitan na kung kinakailangan.
  • Pagpahingahin mo ang iyong mga mata. Kung gumugugol ka ng maraming oras sa paggamit ng computer, maaaring makalimutang kumurap ng iyong mga mata at pwedeng mapagod ang mga ito. Upang mabawasan ang eyestrain, subukan ang 20-20-20 na alituntunin: Tuwing 20 minuto, tumingin sa malayo, mga 20 talampakan sa harap mo sa loob ng 20 segundo.


Mungkahing Basahin: