matsing

Alamat ng Matsing


Sa mayamang kaharian, noong unang panahon, ay may isang prinsesang ubod ng ganda. Siya ay si Prinsesa Amapela na ang lahat ay humahanga sa taglay na kagandahan.


Ngunit sa likod ng kanyang kagandahan ay napakasamang ugali. Ang prinsesa ay ubod ng sungit at suplada. Napakataas ng pagtingin niya sa kanyang sarili.


“Ayoko sa mga taong pangit! Palayasin sila sa palasyo!” ang palaging sigaw nito sa tuwing makakakita ng pangit sa palasyo.


Dahil sa prinsesa, ang lahat lamang ng magaganda ang nakakapasok at nakakapagtrabaho sa loob ng palasyo. At ang mga pangit ay itinataboy sa labas upang maging mga alipin at manggagawa.


Sa paglipas ng panahon, dumating ang takdang araw sa pagpili ni Prinsesa Amapela ng mapapangasawa. At naghanda nga ang kaharian. Inimbitahan ang maraming maharlikang tao buhat sa iba’t ibang kaharian. Nagsidating din ang maraming makikisig na prinsipe, upang ang isa sa kanila ay ang siyang mapangasawa ng prinsesa.


Di nagtagal, nagsimula ng mamili sa Prinsesa Amapela ng mapapangasawa. Ang lahat ng prinsipe ay tumayo sa kanyang harapan at nagbigay-galang. Isa sa mga prinsipe ang nagustuhan ng prinsesa, at ito ay si Prinsipe Algori.


Si Prinsipe Algori ay isang napakasipag na prinsipe na animoy adonis na namumukod tangi sa lahat ng naroroon. Ngunit bago pa man napili ni Prinsesa Amapela ang makisig na prinsipe, ay may nakita siya na napakapangit-pangit na prinsipe na nakatayo sa likuran nito.


Hindi napigilan ng prinsesa ang kanyang sarili.


“Sino ka? Hindi ka nahiya sa iyong sarili! Napakapangit mo! Lumayas ka rito at magbalik ka na sa kwebang pinanggalingan mo!” ang bulyaw nito. Nabigla ang lahat sa inasal ng prinsesa.


“Siya ang aking napili! Si Prinsipe Algori! Siya ang aking mapapangasawa,” ang agad na idinugtong nito sabay turo kay Prinsipe Algori.


Masayang lumapit si Prinsipe Algori sa prinsesa at humalik sa kamay nito. Isa isa ng nag-alisan ang mga nabigong prinsipe, ngunit nanatiling nakatayo sa harapan ang pangit na prinsipe.


“Ano pa ang hinihintay mo! Lumayas ka na! Ayaw kitang makita!, ang muling bulyaw ng prinsesa na tila nandidiri.


Malumanay na nagsalita ang prinsipeng pangit, hindi ako manghihinayang sa isang tulad mo, kung ano ang ganda ng iyong mukha ay siya namang kapangitan ng iyong ugali,” ang wika  nito.


Bigla ay nagbago ang anyo ng prinsipeng pangit. Ito ay naging isang napakakisig na lalaki, higit kay Prinsipe Algori.


Namangha ang lahat, sapagkat ang pangit na prinsipe ay ang “Diyos pala ng kakisigan.” Bumaba ang isang kumpol ng ulap at sumakay rito ang Diyos na Kakisigan at tuluyan ng lumisan.


Nanghinayang ang lahat lalo na ang hari at reyna. Ngunit higit sa lahat, nanghinayang ng husto si Prinsesa Amapela, bagay na hindi niya pinahalata.


Agad na ikinasal ng hari sina Prinsesa Amapela at Prinsipe Algori. Ngunit matapos ang kasal, ganun na lamang ang gulat ng lahat.


Ngayong mag-asawa na tayo, kailangan mong sumama sa aking kaharian, ang wika ni Prinsipe Algori.


“Anong ibig mong sabihin?” ang nagtatakang tanong ng prinsesa.


Biglang nagbago ang anyo ni Prinsipe Algori. Ito ay naging kakaibang nilalang na puno ng balahibo ang buong katawan. Nagsigawan at nasindak ang lahat, lalo pa’t bigla na lang nagbago ang anyo ni Prinsesa Amapela. Nabalot din ito ng balahibo sa buong katawan at nagkaroon pa ng buntot.


Hindi makapaniwala ang lahat, subalit huli na. Dinala na si Prinsesa Amapela sa kagubatan ni Prinsipe Algori, na siya palang “Diyos ng mga hayop sa gubat.” At si Prinsesa Amapela ang kauna-unahang matsing sa kagubatan. Ito ang naging parusa ng kanyang pagiging suplada at mapagmataas.


Kaya dapat nating tandaan na hindi natin dapat husgaan ang tao sa kanyang panlabas na anyo dahil ang higit na mahalaga ay ang tunay na pagkatao at pag-uugali.


Pinagmulan ng Imahe: pixabay.com via Pete Linforth


Mungkahing Basahin: