On
Tinutukoy ng ukay-ukay ang mga segunda-manong damit na mula ibang bansa at ipinagbibili sa Pilipinas sa pinakamurang halaga.


Tinutukoy din nito ang tindahan o pamilihan na katatagpuan ng naturang uri ng paninda.


Hango ang “úkay-úkay” sa salitâng Bisaya na may kahulugang “maghalukay” o “maghukay-hukay” at maaaring bunga ng isang istorya na nagsimula ang ukay-ukay sa Baguio at Cebu.


Gayunman, higit na maraming naniniwala na sa Baguio unang naganap at sumilakbo ang komersiyong ukay-ukay. Noon diumanong dekada nobenta, maraming umuwing domestic helper mulang Hong Kong at naisip ng mga ito na maghakot ng mga segunda-manong damit na nahingi o nabili nilá sa mga presyong baratilyo at ipagbili sa mga bangketa ng Lungsod Baguio. Mabilis nabenta ang kanilang iniuwing damit. Hindi nagtagal at ang munting negosyo ay pinasok ng mga propesyonal na negosyante.


Nagkaroon ng malaking palengke sa gilid ng Session Road para sa panindang ukay-ukay na ngayon ay hindi lamang mga segunda-manong damit ang nakabunton kundi sapatos, bag, at iba pang imported ngunit lumang istak mula sa mga bodega sa Hong Kong at ibang bansa.


Mula sa Baguio, lumaganap ang ukay-ukay hanggang Metro Manila at hanggang mga dulo ng Pilipinas. Bukod sa paghalukay ng nakatambak na sari-saring paninda, kailangan ding iwagwag ng bumibili ang nakursunadahan upang ganap na lumadlad at para mainspeksiyong mabuti kung walang sira o walang bahaging nawawala. Kaya tinatawag ding wagwagan ang ukay-ukay.


Bunga ng kahirapan ang ukay-ukay, wika ng mga sosyologo. Bunga rin ng kakambal na “utak-kolonyal” at labis na paghahangad ng banyagang gamit, na sapagkat mahal ay hindi káyang bilhin.


Gayunman, marami ngayong implikasyon ang pang-uring “ukay-ukay.” Maaari itong tunay na mangahulugan ng mumurahín, ng kawalan ng sopistikasyon sa ugali’t panlasa, ng múra at maramihan. Ginagamit ito upang ilarawan ang gawain ng mga pulubi sa siyudad na maghalungkat ng basurahan para sa anumang makakain at mapakikinabangan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr