Si Juan M. Arellano (Hu·wán eM A·rel·yá·no) ang isa sa pinakamahusay na arkitekto sa kasaysayan ng Pilipinas. Marami sa kaniyang mga gusaling nananatiling nakatayô ang itinuturing na dakilang sagisag ng arkitektura at sining na Filipino.


Kilala siya sa paggamit ng estilong Neoklasiko at Art Deco sa kaniyang mga obra. Ilan sa mga tanyag na likha ni Arellano ay ang:

  • Metropolitan Theater (1935), Maynila,
  • Legislative Building (1926; ngayon ay kilala bilang Old Congress, Building at tahanan ng Pambansang Museo), Maynila,
  • Manila Central Post Office (1926), Maynila,
  • Negros Occidental Provincial Capitol (1936), Bacolod,
  • Cebu Provincial Capitol (1937), Cebu,
  • Bank of the Philippine Islands Cebu Main Branch (1940) Cebu,
  • Misamis Occidental Provincial Capitol (1935), Oroquieta,
  • Jones Bridge (1916; nawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pinalitan ng bagong Jones Bridge),
  • Center for West Visayan Studies and Museum, UP Visayas (dating Iloilo City Hall), Iloilo,
  • Jaro Municipal Building (ngayon ay tahanan ng pulisya sa Jaro), Iloilo,
  • Malcolm Hall, UP Diliman (Lungsod Quezon).


Isinilang siya noong 25 Abril 1888 sa Tondo, Maynila kina Luis C. Arellano at Bartola de Guzman.


Nag-aral siya sa Ateneo Municipal de Manila. Una niyang hilig ang pagpipinta, at nagsanay siya sa ilalim nina Lorenzo Guerrero, Toribio Antillon, at Fabian de la Rosa.


Pinilì niyang hasain ang talino sa ibang uri ng sining at ipinadala sa Estados Unidos bilang isa sa mga unang pensiyonado sa larang ng arkitektura.


Noong 1911, pumasok siya sa Pennsylvania Academy of the Fine Arts bago lumipat sa Drexel Institute upang tapusin ang kaniyang digri.


Nagtrabaho muna siya sa Lungsod ng New York bago umuwi sa Filipinas. Nanungkulan siya bilang supervising architect ng Kawanihan ng Pagawaing Bayan kasama si Tomas Mapua.


Bukod sa mga proyektong nakalista sa itaas, lumikha siya at si Harry Frost ng disenyo para sa Lungsod Quezon, na siyang magiging bagong kabisera ng bansa.


Nagkaroon siya ng isang anak sa asawang si Naty Ocampo. Ilang taon bago pumanaw, bumalik siya sa pagpipinta at nagtanghal ng mga obra sa Manila YMCA. Pumanaw siya noong 5 Disyembre 1960.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: