Ang lihi o paglilihi ay ang masidhing pagnanais, tuwa, galit sa sinuman o anuman ng isang nagsisimulang magdalang-tao.


Sa pinakakaraniwang gamit ng salita, tawag ito sa pananabik ng isang nagdadalang-tao na makatikim ng pagkaing itinuturing niyang pinakamasarap sa panahon ng kaniyang pagbubuntis.


Madalas na pinaglilihian ang maaasim na prutas tulad ng hilaw na mangga, santol, sampalok, at iba pang katulad. Ngunit maaari ring mapaglihian ang kahit na anong pagkain na maibigan ng nagbubuntis.


Bukod sa pagkain, maaari rin namang makawilihang makita at makausap ang isang tao, o kaya’y tingnan ang isang bagay.


Bahagi ng kultura ng lihi ang paniniwalang naisasalin sa magiging supling ang katangian ng kung anumang pinaglilihian.


Kaya halimbawa, ang paglilihi sa puting laman ng buko ay magbubunga ng maputing anak. Ang paglilihi naman sa balut ay maaaring magresulta sa batàng mabalahibo, gaya ng munting sisiw na makikita sa loob ng itlog.


Inaasahang maipagkakaloob sa nagdadalang-tao ang anumang mapaglihian niya upang maging maayos ang kaniyang pagbubuntis.


Tinatawag itong agli sa Kapampangan at tudki sa Waray.


Pinagmulan: NCCA official | Flickr


Mungkahing Basahin: