Ano ang dallot?


Bahagi ng tradisyong oral ng mga Ilokano ang dallot, isang uri ng paawit na sagutan. Sa ilang bayan, binabaybay itong dal-lot o kaya dalot.


Maaaring dalawa o higit pang mannallot ang maging bahagi ng isang dallot. Isinasagawa ang dallot upang magkaroon ng mas masaya at nakalilibang na sandal ang mga nagsisipagtipon. Karaniwang paksa ng dallot ang pagibig ng dalawang tao, karanasan ng taong hindi nasuklian ang pag-ibig na ibinibigay sa kaniyang kasintahan o kaya’y pag-ibig na hinding-hindi maabot.


Sinisimulan ang bawat dallot sa mga linyang


A, ta, dumadallot


A, ta dallot, duminidallang


at sinusundan na ng panimulang pagbati ng mannallot bago niya ipakilála ang paksa.


Isa sa mga naidokumento at napanatiling buhay na dallot ang Dallot ti Pangasasawa (dallot ng pag-aasawa).


May apat itong bahagi: ang pauli (panliligaw), panangdarakdek ken panang-galot (pamamanhikan), panang-ikamen (ritwal sa banig) at pammagbaga (paggabay).


Sa unang dalawang bahagi ng dallot, ipinapakita ang imahen ng isang tandang na gustong ligawan ang inahin. Sa pauli, iniimbitahan ng pamilya ng babae ang pamilya ng lalaki sa bahay.


Iinom ang dalawang pamilya ng basi bago magsalita ang representante ng lalaki sa hangarin nitong maging asawa ang babae. Magpapasubali ang pamilya ng babae na ibibigay lamang ang kamay kanilang kamag-anak kung makapagbigay ng mga regalo ang pamilya ng lalaki. Sa dallot na ito, ang tono ng mga mannallot ay seryoso o kayâ’y malungkot.


Sa susunod na pagkikita, isinasagawa ang panangdarakdek ken panang-galot at humihingi ng paumanhin at tawad ang pamilya ng lalaki dahil bigo nitong maibigay ang mga hiniling ng pamilya ng babae.


Magpaparinig ang pamilya ng babae sa nagawang pagkukulang at sa mga linyang ito, naipaparamdam na ng mga mannallot ang tonong pabiro at mas magaan na pakiramdam kaysa seryoso at kalkuladong tono ng naunang bahagi. Tatanggapin ng pamilya ng babae ang regalong bigas, bulak, niyog at bao ng niyog.


Kapag tinanggap na ng pamilya ng babae ang mga alahas na ibinigay sa kanila ng pamilya ng lalaki, tanda ito na magkatipan na ang ang dalawa. Matapos ang kasal at kainan, isinasagawa ang ikatlong bahagi ng Dallot ti Pangasasawa, ang panang-ikamen. Sa nasabing bahagi, inihahayag ng babae ang kaniyang naisin na maprotektahan ang pamilyang sisimulan nila ng kaniyang asawa.


Matapos nito, tatanggapin ang mga bagong kasal ng kanilang mga pamilya. Nagkakaroon din ng dallot hinggil sa hindi kanais-nais na ugali ng mga bagong kasal. Isa itong masaya at nakatutuwang bahagi kapag pinasasaringan ang masasamang ugali at itinutulad sa mga bulaklak na walang amoy, lupang tigang, at iba pa.


Sa hulíng bahagi ng dallot, ang pammagbaga, nagbibigay ng payo ang matandang babae at lalaki sa bagong kasal. Habang isinasagawa ang mga dallot, maaaring sabayan ito ng sayaw na tinatawag na arikenken.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr