Unang Kamikaze Attack ng Japan
Sa kalagitnaan ng matinding sagupaang pandagat sa Pilipinas sa pagitan ng mga eroplanong pandigma ng Estados Unidos at ng Japan, nakita ang lubusang determinasyon ng Japan na gamitin ang halos lahat ng mga pwersa nila, maging ang pagsasakripisyo ng buhay ng kanilang mga piloto sa pag-asang maitutuwid sa pabor nila ang digmaan sa Asya-Pasipiko. Naitala sa ikatlong araw ng Labanan sa Golpo ng Leyte ang itinuturing na unang kaso ng suicidal attack ng mga eroplanong Hapones sa mga barkong pandigma ng Amerika.
Limang ACM Zeros na eroplanong Hapones na pinamunuan ng 23-anyos na flying ace na Hapones na si Yukio Seki ang lumipad direkta sa mga aircraft carriers ng Amerika na nasa karagatang sakop ng Leyte. Apat sa mga limang eroplano ang kundi man napasabog habang nasa ere ay bumagsak diretso sa dagat, habang ang isa namang eroplano ang sumalpok sa aircraft carrier na USS St. Lo, na agad lumubog sa loob ng 30 minuto. Iyon ang kauna-unahan at opisyal na barkong pandigma na napalubog ng isang kamikaze.
Sa kalagitnaan ng taong 1944, isa-isa nang nauubusan ng lakas pandagat ang hukbong Hapones, lalo na nang napulbos ang kanilang pwersang pandagat sa Midway noong Hunyo 1942. Higit na nagiging epektibo ang mga eroplanong pandigmang dala-dala ng mga higanteng aircraft carrier ng Amerika laban sa pwersang pandagat ng Japan. Kaya, nakita ng mga opisyal ng militar ng Japan na bukod sa mga natitirang barkong pandigma na nasa kanilang military assets, gamitin na rin ang mga natitirang eroplanong pandigma nila para sa isang kakaiba at itinuturing nilang “sagradong” misyon. Iyon ang nagsilang sa “Divine Wind Special Attack Unit”, o simpleng “kamikaze”.
Ilang mga pilotong Hapones, karamiha’y mga kabataang kadete pa lang na 14 hanggang 25 anyos, ang sinanay para sadyang ibagsak ang kanilang mga eroplano sa mga barkong pandigma ng Amerika. Gamit pa rin nila ang mga eroplanong pambomba, pero dinisenyo na iyon na may nakakabit nang mga pampasabog sa katawan ng eroplano at awtomatiko nang nakakandado ang piloto sa loob ng eroplano.
Maraming mga sumali sa naiibang misyong iyon, dala na rin ng kanilang matinding debosyon sa kanilang Emperador, sa puntong handa nilang ialay ang kanilang buhay para rito.
Hindi lang natapos sa labanan sa Golpo ng Leyte ang paghahasik ng lagim ng mga kamikaze sa mga Amerikano, pero nakita rin ang aktibidad ng mga kamikaze sa Labanan sa Golpo ng Lingayen sa Pangasinan noong Enero 1945, hanggang sa mga madugong operasyon ng mga Amerikano sa Iwo Jima noong Marso 1945.
Sa Okinawa, na halos malapit na sa Japanese mainland, nakita ang mas matinding pag-atake ng mga kamikaze, kung saan nawalan ang Amerika ng 34 na mga barkong pandigma dulot ng mga pag-atake ng mga kamikaze, ang pinakamalaking bilang ng mga nawalang pwersang pandagat ng Amerika sa digmaan.
Sa loob ng halos isang taong pananakot ng mga kamikaze sa dagat, mahigit 1,300 eroplanong kamikaze ang ibinagsak sa mga barkong pandigma ng Amerika, na nagpalubog sa 47 barkong pandigma ng mga Amerikano at British, na ikinamatay ng aabot sa mahigit 7,000 katao. Mahigit 3,000 pilotong Hapones ang buong-puso o di kaya’y napilitang ialay ang kanilang buhay sa misyong iyon, pero hindi naman napigilan ng kanilang sakripisyo ang pananaig ng pwersang pandagat ng mga Allies sa Asya-Pasipiko.
Sanggunian:
• History.com Editors (2021, October 22). The first kamikaze attack of the war begins. https://www.history.com/this-day-in-history/first-kamikaze-attack-of-the-war-begins
• National Geographic (n.d.). Oct 25, 1944 CE: first kamikaze strikes. https://www.nationalgeographic.org/thisday/oct25/first-kamikaze-strikes/#:~:text=In%20these%20kamikaze%20attacks%2C%20more,%2C%20Australian%2C%20and%20British%20personell.
• Wikipedia (n.d.). Kamikaze. https://en.m.wikipedia.org/wiki/Kamikaze
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Unang Kamikaze Attack ng Japan "